HANDA na para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) ang mga kasundaluhan at kapulisan sa Cordillera.
NAGSAGAWA ng first command conference ang Regional Joint Security Control Center at ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan bilang paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Oktubre 30, 2023.
Kaugnay nito, nagbigay ng inisyal na assessment ang kapulisan patungkol sa kapayapaan at ang deployment plan habang ang kasundaluhan naman ay ibinahagi ang internal security situation sa rehiyon na posibleng makaapekto sa 2023 BSKE.
Kasama sa nasabing command conference sina Police Regional Office – Cordillera Director PBGen. David Peredo Jr. at Philippine Army 5th Infantry Division Commander MGen., Audrey Pasia at dinaluhan din ng ilang provincial election officers at kinatawan mula sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Department of the Interior and Local Government (DILG).
Tiniyak naman ni Peredo at Pasia na magiging maayos ang gagawing halalang pambarangay sa Oktubre.
Nagpasalamat naman ang Commission on Elections (COMELEC) sa lahat ng miyembro ng binuong joint security at hiniling ang patuloy na suporta para sa matagumpay na pagsasagawa ng halalan.
Sa ngayon, mayroong mahigit isanlibong polling precinct sa buong Cordillera na magagamit sa halalan.