Katawan ng nawawalang law student ng DLSU-BGC natagpuan sa Naic, Cavite

Katawan ng nawawalang law student ng DLSU-BGC natagpuan sa Naic, Cavite

NATAGPUAN na ang bangkay ng isang law student ng De La Salle University, Bonifacio Global City, Taguig City, sa isang bakanteng lote sa Brgy. Sapa, Naic, Cavite nitong Sabado ng hapon.

Ang biktima ay kinilalang si Anthony Banayad Granada, 25 taong gulang, na naiulat na huling nakita habang naglalakad sa Saluysoy Bridge sa parehong barangay noong gabi ng Hunyo 8.

Batay sa ulat, bandang ala-1:20 ng hapon nang matuklasan ang bangkay sa lote na pag-aari ng MJRL Realty.

Masangsang na umano ang amoy at naaagnas na ang katawan ng biktima, na kinumpirma mismo ng kaniyang ama.

Patuloy na inaalam ng mga imbestigador at ng pamilya ang posibleng motibo sa likod ng pamamaslang at kung paano napadpad ang bangkay sa naturang lugar.

Matatandaang nagdulot ng matinding pangamba ang panawagan na tulong sa social media posts ng pamilya ni Anthony, matapos mapabalitang nawawala ito.

Sa ngayon, puspusan na ang koordinasyon ng mga awtoridad sa pangangalap ng karagdagang impormasyon na maaaring tumukoy at magdala sa pagkakahuli ng mga responsable sa krimen.

Muling nananawagan ang pamilya ng biktima sa publiko na igalang ang kanilang tahimik na pagluluksa sa gitna ng matinding hinagpis na kanilang pinagdaraanan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble