KINILALA ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang Barangay Sta. Ana ng Pateros.
Sila kasi ang kauna-unahang barangay na nagtayo ng Barangay Task Force-ELCAC (BTF-ELCAC) sa buong bansa.
Inilunsad ang programa October 2022 at subok nilang epektibong gamitin sa pamamahala.
Kung bakit inadopt ng barangay ang task force?
Ayon kay Barangay Chairman Benny Santidad, maganda ang sistema ng ELCAC.
“Ang sistema ng Executive Order No. 70 ay napakaganda specifically yung whole of nation approach, yung good governance na kaya nating ipatupad o magawa, ma-duplicate sa anong pamamaraan na may problema at kaya nating maging template para magpapatupad ng mas magandang programa,” ani Benny Santidad, Chairman, Barangay Sta. Ana, Pateros.
Nabuo ang NTF-ELCAC sa ilalim ng Executive Order o EO No. 70 ng Duterte administration.
Layon nito na lumikha ng isang inter-agency at multi-sectoral clusters para sa anti-insurgency efforts.
At ang clustering ng NTF-ELCAC, dinala ni Santidad sa kaniyang barangay.
Kaya, nagtalaga siya ng cluster leaders sa iba’t ibang programa.
Nariyan ang:
- Community Brigade na binubuo ng mga kababaihan na magbabantay sa kanilang peace and order.
- Barangay Information and data administration na in-charge sa records ng lahat ng taga-barangay.
- Grupo ng mga nanay na in-charge sa health and nutrition program.
- Bantay kalinisan na in-charge sa solid waste management.
- At solo-parents na humahawak sa livelihood programs ng mga residente.
“Kasi ang babae, sa atin may mga asawa naman tayo di ba? Pero sa totoo lang yung mga asawa natin ang nasusunod. Ibig sabihin tayong mga lalaki, takot sa babae kaya sila yung aking mga cluster head,” dagdag ni Santidad.
Samantala, mas protektado aniya laban sa recruitment ng CPP-NPA-NDF ang BTF-ELCAC.
Ani Kap Benny, kadalasan silang pinupuntahan ng recruiters ng mga rally.
Kadalasang alok ay P400-P500 kada tao para sumali sa mga demonstrasyon laban sa gobyerno.
At dahil sa BTF-ELCAC, monitored nila ang galaw ng mga ito.
“Ang ibig sabihin nito na wala naman talagang kapupuntahan ang kilusan ng CPP-NPA. Pinakamaganda sa mga natitirang miyembro diyan mag-surrender na, mag-avail na ng privilege o benefits na ino-offer ng pamahalaan,” saad ni Sec. Eduardo Año, National Security Adviser.
Nais naman ngayon ni Kap Benny na makausap si San Juan City Mayor Francis Zamora para i-presenta ang magandang epekto ng BTF-ELCAC.
Lalo na’t si Mayor Zamora ang lider ng Metro Manila Mayors.
Saad ni Kapitan Benny, kung dadami ang BTF-ELCAC, mas mapoproteksyunan ang mga kabataan sa recruitment ng mga makakaliwa.
“Ang talagang ipinaglalaban lang nitong CPP-NPA-NDF ay yung communist ideology na gusto nilang i-empower o kaya maalis, mawala yung existing government system natin. Ngayon, kung ito’y ating magagawa at magkakaroon tayo ng better ideology, ang mangyayari sa buhay natin ay magkakaroon tayo ng talagang national security. Na ang equal noon ay peace, and economy,” ani Santidad.
Kauna-unahang Barangay Task Force-ELCAC, inilunsad ngayong araw sa Pateros City
Dinaluhan ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan ang naganap na ribbon cutting sa kauna-unahang BTF-ELCAC.
Ang inilunsad na pagbubukas ng pasilidad ng BTF-ELCAC Command Center ay bilang tugon sa inisyatiba ng punong kapitan ng Barangay Sta. Ana, Pateros City na si Venancio G. Santidad.
Ayon kay Dir. Dennis Godfrey F. Gammad ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), ang Brgy. Sta Ana ang kauna-unahang Barangay level ng Task Force-ELCAC na maituturing na makasaysayan at mabuting halimbawa na siyang dapat pamarisan ng lahat ng barangay sa buong bansa.
Ikinagalak naman ng alkalde ng Pateros City na si Miguel F. Ponce III ang ginawang hakbang ng isa sa kaniyang barangay upang makatulong sa laban kontra insurhensiya.