Kauna-unahang BARMM elections, ililipat na sa 2026

Kauna-unahang BARMM elections, ililipat na sa 2026

ILILIPAT na sa Mayo 2026 ang kauna-unahang Bangsamoro elections.

Ito ang napagkasunduan ng Kamara kung saan 198 ang pabor dito habang 4 lang ang hindi sang-ayon.

Orihinal na nakatakda sana ang BARMM elections sa 2025 kasabay ang midterm polls.

Ngunit ayon sa mga mambabatas na pumabor na ilipat ang Bangsamoro elections, kailangan pa ng BARMM ng sapat na panahon upang resolbahin ang legal issues na kinakaharap nila ngayon.

Isa na rito ang isyu sa Sulu na batay sa isang ruling ng Korte Suprema ay hindi na magiging bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Bagamat hindi pa pinal, ito ang naging desisyon ng korte matapos tinanggihan ng probinsiya ang pagpapatibay ng Bangsamoro Organic Law.

Binigyang-diin ng korte na nakalinya sa batas ang kanilang desisyon dahil nakasaad rito na tanging ang mga probinsiya, lungsod, at geographic areas na bumoto sa plebisito ang magiging sakop sa Autonomous Region.

Naisabatas ang Bangsamoro Organic Law noong 2018 para sa establishment ng BARMM bilang isang political entity at ang kaukulang basic governmental structure nito.

2019 naman nang tinanggihan ng Sulu ang pagpapatibay nito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter