KINUMPIRMA mismo ni Philippine National Police (PNP) Chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr. ang nakatakdang pagdalo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanilang kauna-unahang command conference ngayong araw sa Kampo Krame.
Dakong alas-11 ng umaga isinagawa ang komperensiya kung saan dinaluhan ito ng lahat ng mga opisyal ng PNP.
Nilinaw ng PNP Chief, na walang kakaiba rito bagkus regular lamang itong command conference kung saan, inaasahang mag-uulat ang PNP sa pangulo hinggil sa sitwasyong pang-seguridad.
Kasunod nito, inaasahan ding magbibigay direktiba ang pangulo sa PNP na may kinalaman sa pagtitiyak nito ng kapayapaan at kaayusan ng bansa.