READY ka na bang magpa-level up ng iyong araw-araw na pagbiyahe? Inilunsad na ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), sa pakikipagtulungan sa GET Philippines, Inc., ang kanilang unang electric shuttle service.
Ayon kay Atty. Jaime Raphael Feliciano, President ng PITX, ang bagong electric shuttle service ay isang major leap sa pag-modernize ng transport system gamit ang sustainable solutions.
Ang mga de-kuryenteng sasakyan o electric vehicles (EVs) ng GET Philippines, Inc. ay naglalayong mabawasan ang carbon emissions at magbigay ng mas eco-friendly na alternatibo sa tradisyunal na public transport.
“It’s charged every so often on a regular basis, so hindi siya gumagamit ng diesel, gasoline. It’s less harmful to the environment,” ayon kay Atty. Jaime Raphael Feliciano President, PITX.
“Ito ay isang fully electric mini bus. Kami lang ang kompanya na nag-o-operate ng ganitong klaseng mini bus, fully airconditioned din siya, PWD accessible din at with GPS monitoring,” saad naman ni Frankie Endriga, Vice President, GET Philippines, INC.
Ang serbisyo, na gumagamit ng GET Philippines’ COMET electric vehicles, ay magsisimula sa tatlong shuttle units mula Biyernes hanggang Linggo, mula 7:00 AM hanggang 7:00 PM.
Maaaring madagdagan pa ito depende sa demand.
Ang pagsakay dito ay cashless, kailangan mo lang i-download ang GETPASS app sa Google Play o App Store. At sundin lamang ang mga sumusunod na hakbang:
- Mag-sign up at mag-log in sa iyong GETPASS account.
- Sumali sa “PITX” organization.
- Piliin ang gusto mong COMET route.
- Bumili ng Membership Token (P20, P50, P100, o P500).
- I-scan ang iyong OR Code kapag sasakay at bababa.
“Kung bibili ka ng token sa app, ang ₱1 na token is equivalent to one point. So ang denomination ng token sa amin are ₱20, ₱50, ₱100, and ₱500,” ani Endriga.
Ang serbisyo ay mag-o-offer ng convenient routes at drop-off points para sa mga estudyante ng National University, office workers, mall-goers, at mga residente sa Pasay.
“So we plan to launch more services like these in the future, hopefully in partnership with GET,” wika ni Atty. Jaime Raphael Feliciano, President, PITX.