Kauna-unahang ulat ng IAEA sa pagpapakawala ng treated wastewater ng Japan, inilabas na

Kauna-unahang ulat ng IAEA sa pagpapakawala ng treated wastewater ng Japan, inilabas na

MULING nilinaw ng International Atomic Energy Agency (IAEA) na ang pagpapakawala ng Japan ng treated radioactive water mula sa Fukushima Nuclear Plant ay alinsunod pa rin sa International Safety Standards.

Ito ay base sa kauna-unahang inilabas ng UN Agency mula nang magpakawala ang Japan ng wastewater noong nakaraang tag-init.

Ang ulat ay base rin sa review mission na isinagawa noong Oktubre ng IAEA Task Force na binubuo ng mga opisyal ng ahensya at independent na mga eksperto mula sa 11 bansa, kabilang ang China na kasalukuyang nagpapatupad ng import ban sa marine products ng Japan.

Pinag-aralan ng Task Force ang mga pasilidad at kagamitan sa pagpapakawala ng tubig na dumaan sa liquid processing system na nagtatanggal naman sa Radionuclides maliban sa Tritium.

Nakipagpulong rin ang mga opisyal sa plant operator na Tokyo Electric Power Company Holdings Inc., Nuclear Regulation Authority at Gobyerno ng Japan.

Mula noong buwan ng Agosto ng nakaraang taon, ang Japan ay nakapagpakawala na ng aabot sa 23,400 tonelada ng tubig mula sa planta.

Plano naman ng TEPCO na ilabas ang huling batch ng treated wastewater para sa Fiscal Year 2023 sa katapusan ng buwan ng Pebrero.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI News on Rumble