KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) at ng Philippine Genome Center (PGC) ngayong araw ang pagdiskubre ng B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant (COVID-19 UK variant) sa bansa.
Nadiskubre ang nasabing bagong variant ng COVID-19 sa isang Pilipino na dumating mula sa United Arab Emirates (UAE) noong Enero 7 na nagpositibo sa nasabing virus.
Ang lalaking pasyente na residente ng Quezon City ay umalis sa Dubai noong Disyembre 27, 2020 at dumating sa bansa nakaraang Enero 7, 2021 sakay ng Emirates Flight No. EK 332.
Inilagay na sa isang quarantine facility ang nasabing pasyente sa Quezon City habang dinala ang samples nito sa PGC para sa whole genome sequencing.
May kasama ring isang babae ang pasyente sa biyahe nito at kasalukuyan na itong sumailalim sa mahigpit na quarantine at monitoring.
Mababatid na walang exposure ang dalawang Pilipino sa isang may kumpirmadong kaso bago ang pag-alis ng mga ito sa Dubai at wala ring mga travel activity sa labas ng Quezon City.
Kaagad namang isinagawa ang contact tracing kungsaan ang mga inisyal na nakilalang mga kontak ng pasyente ay mga asymptomatic at nasa ilalim na rin sa mahigpit na home quarantine.
Kinuha na rin ng DOH ang flight manifest ng flight na sinakyan ng pasyente at kasalukuyan nang ginawa ang contact tracing sa mga pasahero nito.
Nag-abiso naman ang ahensiya sa mga pasaherong lulan ng Flight No. EK 332 na makipag-ugnayan sa kanilang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).