Kawalan ng ‘due process’ sa suspensiyon ng SMNI, idinetalye sa Senado

Kawalan ng ‘due process’ sa suspensiyon ng SMNI, idinetalye sa Senado

INISA-isa ng kampo ng Sonshine Media Network International (SMNI) kung bakit masasabing walang due process ang pagkakasuspinde ng network.

“Eh noong bumagsak po sa amin ‘yung suspension order na 30-days, ‘yung indefinite suspension order, wala po kaming kamalay-malay. So ano po ba ang ibig sabihin ng due process clause? Simple lang po—fair play. So, kami ba ay nagkaroon ng fair play dito? Parang wala po eh. Wala po kaming fair play dito,” ayon kay Atty. Rolex Suplico, Legal Counsel, SMNI.

Muling nagharap ang SMNI at ang naglabas ng utos na suspindehin ang operasyon nito – ang National Telecommunications Commission (NTC).

Sa consultative meeting ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinangunahan ni Sen. Robin Padilla ay sinabi ng SMNI na hindi patas o walang due process ang ginawang pagpataw ng ‘indefinite suspension’ ng nasabing komisyon.

Ayon kay Atty. Rolex Suplico, isa sa mga abogado ng SMNI at kilalang franchise lawyer, ‘di kapani-paniwala ang ginawa ng NTC sa nasabing network.

Sa kasong ito aniya unang nakita na ang korteng magdidinig sa reklamo at ang naghain ng mismong reklamo ay iisa lamang.

“Alam nyo ho may pre-hearing conference. Katulad po ‘yan ng isang pre-trial conference. Ang abogado ‘di basta-basta pupunta ‘dun. Kailangan po meron kayong Special Power of Attorney na bitbit. Kasi among others baka pwedeng aregluhin,” diin ni Atty. Suplico.

Ayon naman kay Attorney Mark Tolentino, dapat ay na-dismiss na ang nasabing kaso.

Bukod kasi sa walang nangyaring pagdinig ay ‘di rin sinipot ng NTC o wala silang kinatawan.

“Nakalagay ‘dun sa rules of court na if you fail to file a pre-trial brief. It has the same effect as failure to appear. If you fail to appear, the case should be dismissed sa ipinatawag nitong pre-trial brief,” pahayag ni Atty. Mark Tolentino, Legal counsel, SMNU.

Kinuwestiyon din ng abogado kung bakit nakabatay sa pagdinig ng Kamara ang suspension order ng NTC gayong mula sa magkaibang sangay naman sila ng gobyerno.

Ang Kamara ay bahagi ng legislative branch habang ang NTC naman ay nasa ilalim ng executive branch.

Ipinunto ng mga abogado na dapat ay nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang NTC at hindi ‘yung basta na lang ito nagpa-dikta sa Kamara.

“Ang bases po nila is the determination of the House of Representatives. Parang pinalabas po nila na ang NTC ay pwedeng diktahan pala ng House of Representatives,” ayon pa kay Tolentino.

Matatandaan na sa ginawang pagdinig sa Kamara sa umano’y mga violation ng SMNI ay ‘di binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag ang mga abogado nito. Bukod pa riyan ay agad rin silang tinatakot na ma-contempt.

Ikinagulat na lamang ng SMNI matapos maglabas ng resolution ang Kamara na naghihikayat sa NTC na suspindehin ang network.

Kaugnay rito ay naghayag naman ng pagkabahala ang Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas (KBP) sa ginawa ng NTC at Kamara sa SMNI.

Ayon sa grupo, nagdulot ito ng takot sa iba pang mga mamamahayag.

“Actually, the whole proceedings sa Congress at NTC medyo nabahala po ang industriya. Parang may Sword of Damocles sa ulo at sa parlance ng media nagkaroon ng chilling effect. Importante na maingat ang mga mamamahayag pero iba ‘yung maingat na takot ka,” saad ni Atty. Rudolph Steve Jularbal, Spokesperson, KBP.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter