EDUKASYON ang nagsisilbing tulay ng pag-asa para sa mga batang nangangarap makaahon sa kahirapan. Ngunit para sa libu-libong kabataan sa mga relocation sites ng pamahalaan, tila unti-unting binabaklas ang tulay na ito dahil sa kakulangan ng silid-aralan.
Binigyang-diin ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang agarang pangangailangang magtulungan ang Department of Education, Department of Human Settlements and Urban Development, at Department of the Interior and Local Government.
Iyan ay upang tugunan ang lumalalang kakulangan sa silid-aralan na dulot ng mga pabahay na walang sapat na plano sa edukasyon.
Sa kanilang pulong kamakailan, inilahad ng EDCOM 2 na may 58 housing projects ang National Housing Authority (NHA) sa nakalipas na 10 taon na katumbas ng mahigit 167,000 housing units.
Batay sa datos ng DHSUD, karamihan sa mga proyektong pabahay ay nasa NCR at Region 4A, partikular sa Rizal at Cavite na ayon sa DepEd ay kabilang na sa pinaka-masikip na rehiyon pagdating sa bilang ng mag-aaral kada silid-aralan.
Ngunit karamihan dito ay itinayo nang walang malinaw na koordinasyon kung may sapat bang paaralan sa paglilipatang lugar.
Ayon kay EDCOM Executive Director Karol Mark Yee, kung dalawang anak ang kada pamilya, aabot ito sa 334,000 estudyante o katumbas ng higit 8,000 silid-aralan na dagdag sa mahigit 165,000 classroom backlog ng DepEd.
“Assuming that each household would have 2 children, this is around 334,240 students, equivalent to more than 8,000 classrooms needed. Without proper coordination with DepEd, this would add to the long list of 165,000 backlogs we are already experiencing,” ayon kay Dr. Karol Mark Yee, Executive Director, EDCOM 2.
Giit ni Yee na hindi puwedeng tayo lang nang tayo ng mga pabahay, tapos ang pangangailangan sa classroom ay isasama na lang sa backlog na problemahin ng DepEd sa huli.
“Hindi po pwedeng tayo lang tayo nang tayo ng mga pabahay, tapos yung classroom requirements ipipila sa mahabang list ng backlog na kailangan problemahin later on ng DepEd,” dagdag ni Dr. Yee.
Dapat aniya may mga solusyon na, kahit sa loob lang ng mga government settlement projects, para hindi na tuluyang mawala ang isang buong henerasyon ng mga batang hindi marunong bumasa’t sumulat dahil sa kawalan ng koordinasyon.
“There must be solutions, even just within the public settlement projects, for these issues to be prevented before you lose a generation of illiterate students because of our inability to coordinate,” aniya.
Dagdag pa ni Yee, kailangang alam ng DepEd ang mga plano nang mas maaga para makapaghanda rin sila ng budget, bumili ng mga kagamitang pangklase, at humiling ng mga bagong posisyon para sa mga guro.
“If DepEd is the one to construct the schools, they need to know in advance, because they need to worry about and request for their budget, and then after this, also for procurement of furniture, and request of plantilla positions for the teachers,” aniya pa.
Aniya hindi pwede na kapag nandyan na ang mga bata ay doon pa magsisimulang magrequest ng mga kinakailangan.
Kinuwestyon din ng EDCOM ang umiiral na BP 220, kung saan optional lang ang pagtatayo ng paaralan sa mga pabahay na may 1,500 units pataas na madalas ding hindi sinusunod ng mga developer.
Sa pagbisita ng EDCOM sa Calubcob Elementary School sa Naic, Cavite, nadiskubreng 1,800 estudyante ang nagsisiksikan sa dalawang standard classrooms at anim na makeshift rooms ay mga paaralang nagseserbisyo sa relocation site.
Dagdag ng DILG, kadalasan ay sa mismong relokasyon pa lang nalalaman ng mga LGU ang proyekto, kaya huli na ang pagpaplano para sa edukasyon.
Pinalala pa ito ng pagbawi sa DILG Memorandum Circular 2020-160, na dati’y nag-aatas ng koordinasyon sa mga LGU bago ang relokasyon.
Bilang tugon, tiniyak ng DHSUD na pipirma sila ng MOU kasama ang DepEd, kasunod ang Joint Memorandum Circular na lalagdaan din ng DILG.
Layon nitong tiyakin na bawat proyektong pabahay ng gobyerno ay may kasamang malinaw na plano para sa edukasyon.