NASA kustodiya na ng PNP Regional Office 4A ang rapist na pulis sa Batangas matapos napatunayan sa Medico-Legal ng biktima ang ginawang panghahalay ng nasabing alagad ng batas noong nakaraang Pasko.
Kinilala ang pulis-suspek na si Senior Master Sergeant Timothy Joseph “Teejay” Virtucio.
Agad na tinanggalan ng tsapa, baril, at sinibak sa posisyon ang police-vlogger suspect habang umuusad ang administrative at criminal case nito.
Umaasa naman na magiging maayos ang sitwasyon ng kaniyang biktima nang napag-alamang naapektuhan na raw ang pag-iisip ng babae dulot ng trauma.
Kaya naman hindi pa nakakausap nang maayos ng mga pulis ang biktima para sa testimonya nito upang maging malakas ang kaso laban kay Virtucio.
Nangyari ito noong nakaraang Pasko nang magkaroon ng isang salo-salo sa loob ng pinamamahalaan nitong sabungan sa Mataasnakahoy sa Lipa, Batangas.
Dahil umano sa pinainom na droga sa biktima, hindi nito namalayan na dinala siya sa isang farm na pagmamay ari din ng pulis at doon ginawa ang nasabing panggagahasa.
“If I may share noong last Jan. 21 ay lumabas na rin ‘yung Medico-Legal report na nagpapatunay na nagkaroon ng penetration at trauma doon sa ari nung biktima. So this is a very sensitive and delicate case so I hope you understand we really cannot give as to the details nitong biktima. Medyo maselan ‘yung kanyang kondisyon kaya nakiusap din ‘yung pamilya niya na hangga’t maaari ay huwag na masyadong pag-usapan at nakaready sila na isampa itong kaso once maging mabuti ‘yung kalagayan ng biktima,” ayon kay PBGen. Jean Fajardo.