“Kill, Kill,Kill” order ni PRRD vs NPA, legal batay sa International Humanitarian Law —Roque

IGINIIT ni Presidential Spokesman Harry Roque na tama at legal ang “Kill, Kill, Kill” order ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa mga armadong rebelde na naghahasik ng kaguluhan sa ibat ibang komunidad sa bansa.

“Hindi po paglabag ng batas, International Humanitarian Law, kapag nagpaputok ang sundalo sa isang armadong NPA fighter at mapatay ang NPA fighter,” ayon kay Roque.

“Iyong order ng Presidente na ‘Kill, Kill, Kill’ legal po iyan dahil ang kaniyang sinabing ‘Kill, Kill, Kill’ eh iyong mga rebelde na mayroon pong hawak na armas,” dagdag niya.

Paliwanag pa ng kalihim, na isa ring human rights lawyer, sa umiiral na International Humanitarian Law, pupuwedeng magkaroon ng labanan at mayroon talagang mamamatay lalung-lalo na sa mga kasapi sa engkwentro.

“Kapag mayroon kang sandata at ikaw ay kabahagi sa labanan, pupuwede kang pumatay at pupuwede ka ring mapatay, aniya pa.

“Kapag ang labanan mo may baril na puwede kang patayin, alangan naman ikaw ang mag-antay na ikaw ang mabaril at mapatay,” dagdag ni Roque.

Kung matatandaan, sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapasinaya ng Cagayan de Oro Community Project sa ilalim ng Ending Local Communist Armed Conflict (ELCAC), sinabi nitong “patayin na ang mga komunistang rebelde.”

“Mao akong giingnan ang militar, pulis. Pag-engkwentro gani mo, mogunit og armas, patya. Patya gyud. Tiwasi. Hayaan ang human rights. Ako ng sugo,” pahayag ng Pangulo sa lengguwaheng Cebuano.

Naglahad naman ng datos ang Malakanyang ng bilang ng mga napatay sa kasagsagan ng mga engkwentro.

Mula Enero 2018 hanggang Enero 2021, 50 ang mga nasawing sibilyan; 143 naman ang napatay sa panig ng gobyerno; at 343 sa panig ng mga terorista.

Kung kaya ayon sa tagapagsalita ng Palasyo, ginagawa rin lahat ng gobyerno para matigil na ang labanan nang sa ganoon wala ng mga Pilipino na napapatay ng kapwa Pilipino.

 SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.