Klase at trabaho sa Lungsod ng Maynila, suspendido bukas Enero 9

IPINAG-utos ni Maynila Mayor Isko Moreno ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas at trabaho sa gobyerno bukas, Enero 9, 2021.

Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga deboto na makadalo sa online activities para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.

Nakasaad din sa Executive Order No. 01 na inilabas ni Moreno, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbenta ng alak at iba pang alcoholic beverages sa Quiapo District.

Inatasan ng alkalde ang Manila Police District at lahat ng law enforcement officers na mahigpit na ipatupad ang City Ordinance 5555 kung saan ipinagbabawal ang pag-inom sa mga pampublikong lugar sa buong durasyon ng kapistahan.

Ipatutupad ang liquor ban sa Metro Manila simula mamayang hating gabi ng Biyernes bilang bahagi ng seguridad sa Kapistahan ng Itim na Nazareno.

Ito ang inanunsyo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Brigadier General Vicente Danao Jr.

Ayon kay Danao, mahigit 7,000 na pulis ang idedeploy para magbantay sa aktibidad.

Pinaalalahanan naman ng pulisya ang mga deboto na ipinagbabawal ang pagdadala ng backpacks, colored cannisters at deadly weapon.

SMNI NEWS