POSIBLENG isasailalim sa new normal classification ang mga lugar na walang naitalang transmisyon ng COVID-19 pagsapit ng Oktubre.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang pulong balitaan.
“Ako mismo ang nagmungkahi at nag-agree naman ang IATF na there will be areas na merong zero transmission in the past month na pupuwede nang i-deklara as under the regime ng new normal,” pahayag ni Roque.
Aniya, inaprubahan na ‘in principle’ ang naturang klasipikasyon.
Bago tinanggal ng Inter-Agency Task Force o IATF noong Hunyo 2020 ang new normal classification, ito ang ikalimang klasipikasyon at lowest quarantine classification.
Sa kasalukuyan, mayroong apat na klasipikasyon ng community measures sa bansa, ito ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung saan ipinapatupad dito ang pinaka-istriktong health protocols; Modified ECQ (MECQ); General Community Quarantine (GCQ) at ang pinakamaluwag na restriksyon, ang Modified GCQ (MGCQ).
Pagkakaroon ng COVID-19 vaccine passport, suportado ng Malakanyang
Samantala, suportado ng Palasyo ang pagkakaroon ng COVID-19 vaccine passport bilang katibayan na nabakunahan na laban sa coronavirus ang isang biyahero.
Ayon kay Roque, ito ang magiging paraan upang unti-unti nang magbalik sa normal ang pagbiyahe at ang pamumuhay ng mamamayan.
Una rito, binanggit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maglalabas ang pamahalaan ng QR code-based vaccination certificate, kung saan, mas mapadadali nito ang proseso sa Immigration para sa mga dumarating na pasahero.
Matatandang isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang panukala upang magkaroon ng immunization o vaccination passports para sa lahat ng mga makatatanggap ng COVID vaccine at iba pang mga bakuna sa iba’t ibang sakit para sa isang mas sistematikong proseso.
Sa ilalim ng naturang panukala, kailangan na idokumento ng gobyerno ang lahat ng inoculation process upang masigurong ma-monitor ng mga otoridad ang efficacy ng bakuna at matukoy ang mga side effects nito kung mayroon man.
Maaari ring gamitin ang vaccination passport bilang identification system para payagan ang bawat indibidwal sa mga pampublikong lugar.
Samantala, ibinahagi ng Malakanyang na ang Pilipinas ay nasa ika-dalawampung pwesto sa global ranking na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 na may higit 500,000 total cases.