ARAW ng Lunes, Agosto 5, 2024 ay inusisa sa Senado ang marahas na paglusob ng Philippine National Police (PNP) sa mga religious compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City sa layuning i-serve ang arrest warrant ni Pastor Apollo C. Quiboloy at limang iba pa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order sa pamumuno ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, muling iginiit ni PNP Chief Marbil na hindi labis o marahas ang kanilang ginawang simultaneous raid.
Pero sa kabilang panig ay maluha-luhang, ibinahagi ni KOJC Executive Secretary Nori Cardona ang totoong nangyari.
Bukod sa marahas ang naging pagsalakay ng PNP, dalawang katutubo ang nasawi at marami ang nasaktan.
“The following day namatay ‘yung father. That day din ‘yung asawa nya tinitimpla pa nya ng kape ang mga sundalo, nanginginig na sya, after a few days na stroke. Hindi na si William nakapaglibing ng Father nya kasi na stroke ang asawa niya. Dinala namin sa ospital, ‘di naglaon namatay din,” ayon kay Sis. Eleanor “Nori” Cardona, Executive Secretary, KOJC.
Inisa-isa naman ni KOJC Legal Counsel Atty. Israelito Torreon ang mga mali ng PNP sa kanilang overkill na operasyon.
Kabilang dito ang kawalan ng search warrant, fishing expedition o walang katiyakan sa paglusob, labis na paggamit ng drones sa KOJC Central Compound kahit na ito ay isang no fly zone, illegal wiretapping, at pagiging bayolente sa isang church at school area.
Sa kabila nito ay tiniyak ng PNP na walang mali sa ginawang paglusob kasi sumunod naman sila sa protocols, pahayag na ‘di nakaligtas mula kay Sen. Bato na isang dating PNP Chief.
“Hindi lang po si fugitive Quiboloy ang hinahanap natin but five other na co-accused niya,” pahayag ni PGen. Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP.
“Kaya nga I’m asking you sino ang hinahanap doon, sino ang hinahanap dito sa 123 na mga areas para klaro tayo na hindi to fishing expedition as alleged by Atty. Torreon that is quite an obvious kung itong lima ay hinahanap nyo sa limang lugar din,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Chair, Committee on Human Rights.
Naghayag naman ng kaniyang sama ng loob sa kapulisan si KOJC Administrator Nelida Lizada.
Ayon sa kaniya, walang choice ang KOJC kundi ipagtanggol ang sarili dahil ang ginawang paglusob ng PNP ay labis na tinawag pa niyang mala-terorista.
“I co-contest ko ‘yung sinabi niya “Nag-serve lang kami ng warrant of arrest”. Hindi kayo nag-serve lang ng warrant of arrest, nilusob ninyo kami in a horrible and terroristic way. Bus loads and truckloads of men in uniform. Madaling araw, tulog pa ang iba kagigising namin. Ikaw sir, lulusubin ka? ikaw sir what will be your reaction? Bibitbit kami ng Biblia ay sabi sa Word of God, ganun?!” wika ni Nelida Lizada, Administrator, KOJC.
Nagbigay naman ng katiyakan si PNP Chief Marbil na susunod ang PNP sa rules of procedures at sa hinihiling na pagrespeto sa human rights ng KOJC kung isusuko lamang si Pastor Apollo at ang apat na iba pa.
“I assure as Chief PNP that we assure you na i-surrender nyu lang po si Apollo Quiboloy and 4 others and you will see that we follow rules and human rights. Dito niyo makita na we follow rules on human rights,” dagdag ni Marbil.
Pero hindi naman ito sinang-ayunan ni Sen. Bato at tinawag pa itong unfair.
Paliwanag ng senador, wala naman talagang nakakaalam sa kinaroroonan ngayon ni Pastor Apollo.
“It’s unfair for them naman na i-require nyu muna sila na i-surrender muna si Pastor Quiboloy para maging peaceful ang Davao parang ganun. Para maging normal ang lahat. For all you know even President Duterte, walang contact kay Pastor Quiboloy,” ani Dela Rosa.
Ang nasabing pagdinig ay nakatakdang ipagpatuloy sa Agosto 20.