SAPUL sa operasyon ang isang kompanya ng pabango sa Maynila na may kalahating bilyong piso na pagkakautang sa excise tax.
Pasado alas-11 ng umaga nang sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang manufacturing plant ng isang kompanya ng pabango sa kahabaan ng 38 Sto. Tomas Street sa Sampaloc, Maynila, umaga ng Miyerkules.
Pinangunahan ni BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr. at ilang opisyal ng ahensiya ang nasabing operasyon.
Tumambad sa mga opisyal ang karton-karton na mga inspired perfume na kakatapos lamang maiproseso gamit ang mga machine.
Ayon kay Lumagui, bigong magpakita ang may-ari ng kompanyang ‘Ian Darcy’ matapos mapag-alaman na kasama sa operasyon ang hepe ng BIR.
Sunod namang ni-raid ng opisyal ang ilan sa mga perfume stall nito sa loob ng SM North EDSA sa Quezon City.
Pinagkukumpiska at sinelyuhan ng ahensiya ang daan-daang ilegal na produktong perfume.
Paliwanag ng opisyal, ilan sa nilabag ng kompanya ay ang kawalan nito ng permit na mag-operate bilang manufacturer ng non-essential products.
Bukod dito, nadiskubre din na aabot na sa kalahating bilyong piso ang utang nitong excise tax simula pa noong 2018.
‘‘Kaya napilitan tayo na gawin na ito kasi paulit-ulit na rin at ang dami rin.’’
‘‘Siguro nasanay sila na hindi, kasi for the past several years imagine 1998 at walang nangyayari. Kaya, lumalakas siguro ang loob dahil walang nangyari, wala naman humahabol kaya ngayon itong ginagawa natin ay hahabulin natin ito.’’
‘‘Tutukan natin ito and again seryoso tayo na i-implement ang batas na ito,’’ ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr.
Ipinatigil din ng BIR ang 120 branches ng nasabing kompanya sa buong bansa.
At tinutukoy na rin ang iba’t ibang online selling platforms na binibentahan nila.
Halos P2-B excise tax sa produktong pabango, nawawala sa gobyerno kada taon—BIR
Punto kasi ni BIR Commissioner Lumagui, malaki ang nawawala sa koleksiyon ng gobyerno sa usapin ng excise tax sa pabango.
Parte ng nakokolektang excise tax sa perfume ay inilalaan bilang general funds, ngunit halos P2-B aniya ang nawawala sa koleksiyon ng gobyerno.
‘‘Pero, ang nakokolekta lang at nagbabayad lang ay nasa mga P200-M lang ang nakokolekta natin. Kaya napakalaking, at nakikita natin na ang porsyento ng pagbaba ng excise tax on perfumes ay patuloy na ang pagbababa,’’ ayon pa kay Lumagui.
Nanindigan naman ang BIR chief na hindi sila titigil na habulin ang mga establisyimento na hindi nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno. Pero, wala rin aniyang dapat ikabahala ang mga maliliit na negosyante na nagbebenta ng mga excisable goods tulad ng alak, sigarilyo at vape, basta’t sumunod lamang sa mga umiiral na batas.
‘‘Huwag dapat silang mag-alala dahil kailangan lamang nila na magrehistro, puwede naman silang pumunta sa aming ahensiya at tutulungan namin sila at gagabayan namin sila,’’ saad pa nito.