Kondisyon sa pag-iisip ng mga pulis dahil sa trabaho, sinisilip na ng PNP

Kondisyon sa pag-iisip ng mga pulis dahil sa trabaho, sinisilip na ng PNP

KADA tatlong taon sumasailalim sa psychological examination ang mga pulis para sa kanilang promosyon.

Bukod dito, matagal na ring inilunsad ang “Bantay Kaisipan” program para regular na makonsulta ang mga pulis sa mga pinagdadaanan ng mga ito sa gitna ng pagganap ng kanilang tungkulin.

Pero nito lamang nakaraang linggo nang pumutok ang kontrobersiyal na pamamaril ng isang police at colonel sa kapwa nitong pulis na nauwi sa karumal-dumal na krimen.

Nangyari ito sa loob mismo ng headquardters ng NCRPO sa Taguig.

‘’Hindi natin alam kung ano ‘yung tumatakbo sa isipan nitong lieutenant colonel na nagsagawa nitong insidente na ito. Sabi ko nga ‘yung pagpatay doon sa pulis out of anger according to him but to mutilate the police into pieces and burying the body within their ancestral house is another thing,’’ ayon kay PBGen. Jean Fajardo.

Kaya naman isa sa mga pinag-aaralan ngayon ng PNP sa katatapos lang na staff conference ang malaman at masuri ang totoong kalagayan, nararamdaman at mga iniisip ng mga pulis habang nasa trabaho o sa pamilya man.

Mga hakbang na maaaring makatulong na maibsan ang posibleng stress o pressure sa trabaho bilang alagad ng batas.

‘’Kung alam natin na medyo toxic and stressful yung working environment ng mga kapulisan, eto bang nangyari na ito triggered by personal matters or out of the stress as a result nung trabaho natin. So these are the things na pinag- usapan ng mahaba kanina on how to really look after the mental health ng mga kapulisan. So isa ‘yun sa tinitingnan ngayon,’’ ani Fajardo.

Sa kabilang banda, nasampahan na ng reklamong murder si Lt. Col Roderick Pascua na itinuturing na primary suspect sa pamamaslang kay Police Executive Master Sergeant Emmanuel De Asis.

Habang pinaghahandaan naman ang pagsasampa ng reklamo laban sa asawa ni Pascua na kinasangkapan sa pagpatay sa biktima.

Nauna nang nagbabala ang anak ng biktima na isang pulis na ipaghihiganti nito ang kaniyang ama sa kahit anong paraan.

Batay sa rekord, maraming beses nang nasangkot ang maraming pulis sa iba’t ibang uri ng krimen gaya ng paggamit, pagbebenta ng ilegal na droga, robbery extortion, pananakit sa asawa, at iba pang kahalintulad na mga pang-aabuso.

Ayon sa PNP, agad naman nilang niriresolba ito sa pamamagitan ng pagkakaso at pag-dismiss sa serbisyo depende sa bigat ng kanilang pagkakasangkot.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble