MAAARING paglaanan ng pondo ng Kongreso ang vouchers ng senior high school (SHS) program para sa state universities at colleges (SUCs).
Inihayag ito ni 4Ps Party-list Rep. Marcelino Libanan bilang solusyon ngayong ipinahinto na ng Commission on Higher Education (CHED) ang SHS program sa lahat ng SUCs at local universities at colleges (LUCs).
Sinabi na ng CHED na ang pagtanggap aniya ng SUCs at LUCs ng senior high school students ay sa loob lang ng tinatawag na transition period ng K-12 educational system.
Ibig sabihin, mula lang ito sa School Year 2016-2017 hanggang School Year 2020-2021.
Samantala, tatanggapin sa mga pampublikong basic education schools ang senior high school students na kasalukuyang naka-enroll sa mga higher education institutions (HEIs).
Ayon kay Department of Education (DepEd) Usec. Michael Poa, batay sa mga ulat ng regional directors, kayang-kaya ng public schools ang makapag-accommodate ng senior high school students na hindi na tatanggapin ngayong School Year 2024-2025 sa SUCs o LUCs.
Maaari din ang mga ito na mag-enroll sa private schools.