PINAG-iisipan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ikokonsidera niya ang mga kadahilanan ng mga alkaldeng unang nagpabakuna ng COVID-19 vaccine.
Kinuwestyon ni Pangulong Duterte kung bakit unang nagpabakuna ang mga mayor na wala naman aniya sila sa listahan na prayoridad sa vaccination program ng pamahalaan.
“Ang sabi nila, ang rason nila, I think universal excuse, na para hindi matakot ‘yung mga constituents. Ako, medyo gray area ‘yan na dapat talaga una ‘yung mga…whether or not they jumped the COVID-19 line of vaccination, would require a certain amount of legal study,” pahayag ng Pangulo.
Pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang local government official na naunang magpabakuna kahit hindi naman kasama ang mga ito sa priority list.
Una rito, nakarating sa presidente ang patungkol sa show cause order na inisyu ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa limang alkalde.
(BASAHIN: 5 alkalde, inisyuhan ng show cause order kaugnay sa COVID-19 vaccine)
Sa naturang kautusan, pinagpapaliwanag ng DILG ang mga ito kung bakit sila nakatanggap ng bakuna sa kabila ng hindi pa naku-kumpleto ng gobyerno ang pagbabakuna sa health care workers na numero uno sa nakasaad sa priority list.
“Na-verify namin na totoo at ito ang naging basehan namin para sila ay padalhan ng show cause orders para magpaliwanag kung bakit sila nauna at hindi nila nasunod ang priority listing,” pahayag ni DILG Usec. Epimaco Densing III.
Kabilang sa mga Alkalde na inisyuhan ng show cause order ay sina:
-Mayor Alfred Romualdez ng Tacloban City, Leyte
-Mayor Dibu Tuan ng T’boli, South Cotabato
-Mayor Sulpicio Villalobos ng Sto. Nino, South Cotabato
-Mayor Noel Rosal ng Legazpi City, Albay
-Mayor Abraham Ibba ng Bataraza, Palawan.
Maliban sa limang alkalde na napadalhan ng show cause order, binanggit din ni Pangulong Duterte ang iba pang local chief executives na nagpaturok na rin ng COVID vaccine, na nauna pa sa medical workers.
Kabilang dito sina:
Mayor Elenito Pena of Minglanilla, Cebu
Mayor Victoriano Torres III of Alicia, Bohol
Mayor Virgilio Mendez of San Miguel, Bohol
Mayor Arturo “Jed” Piollo II of Lila, Bohol
Batay sa prioritization list sa pagbabakuna, mauuna ang frontline health workers na susundan naman ng indigent senior citizens, remaining senior citizens, remaining indigent population, at uniformed personnel.
Samantala, inihayag ni Pangulong Duterte na nauna nang nagbabala ang World Health Organization (WHO) na maaaring maiwala ng Pilipinas ang vaccine donations mula sa COVAX Facility kapag hindi nasusunod ang nasa priority list.