NASA anim na taong pagkakabilanggo ang maaaring kaharapin ng sinumang mapatutunayang namimili o vote buying ngayong eleksiyon sa ilalim ng mandato ng COMELEC Resolution 11104.
Sa ilalim ng binuong Kontra Bigay Committee sa pakikipagtulungan ng Local Kontra Bigay Committee ng mga lokal na pamahalaan, inatasan nito ang paghuli at pagpaparusa sa mga sangkot sa ilegal na aktibidad ngayong halalan.
Opisyal na magsisimula ang activation ng naturang komite ngayong Martes, Marso 25, 2025.
Ayon kay QC COMELEC Kontra Bigay Committee Head Atty. Jan Fajardo, pinag-aaralan nila ang pagtatatag ng mga panuntunan para mapabilis ang sumbong at pagtugon sa mga reklamong may kaugnayan sa Midterm Elections sa tulong ng DOJ at PNP.
Habang magiging katuwang naman sa implementasyon ng programa ang mga pangunahing ahensiya gaya ng Philippine National Police (PNP), Department of Education (DepEd), Civil Service Commission (CSC), Department of Social Welfare and Development (DSWD), PPCRV, at Joint Task Force-Armed Forces of the Philippines (JTF-AFP).