INIHAIN na sa Korte Suprema ang petisyon para harangin ang nakatakdang paggamit ng mga Vote Counting Machines (VCM) ng Miru Systems Incorporated sa 2025 election.
Kaugnay niyan ay hiniling sa Korte Suprema na ideklarang walang bisa ang kontratang pinasok ng Commission on Elections sa Miru na isang kumpanyang mula sa South Korea.
Sa kanyang petition for certiorari ay hiniling ni dating Caloocan Representative Edgar Erice na maglabas ng temporary restraining order at preliminary injuction ang Korte Suprema para pigilan ang pagpapatupad ng kontrata.
Naniniwala ang dating kongresista na malulugi ang Pilipinas lalo ang mga Pilipino sa ginawa ng COMELEC dahil gagastos ng 18 billion pesos sa bagong makina, kumpara sa ilang milyong piso na kailangan para sa mga counting machine na binili na ng Pilipinas at under warranty pa ng Smartmatic.