TUTULDUKAN na ng Department of Tourism (DOT) ang kontrata nito sa ad agency na DDB Philippines kasunod ng paggamit ng foreign stock footage sa AVP ng ‘Love the Philippines’ Tourism campaign.
Sa inilabas na statement ng DOT, ipinahayag nito ang sobrang pagkadismaya sa paggamit ng hindi orihinal o stock footage sa audio visual presentation ng ‘Love the Philippines’ Tourism campaign.
Sa ilalim ng kontrata ng DOT sa DDB Philippines nakapaloob dito na lahat ng mga materyales na gagamitin ng nanalong bidder ay dapat orihinal at nakalinya sa adbokasiya ng ahensiya.
Dagdag pa ng DOT na mayroon silang karapatan na baguhin, suspendihin o pansamantala o permanenteng ihinto ang kontrata anumang oras sakaling makita ng DOT na walang kakayahan ang ad agency.
Dahil bigong sumunod ang DDB sa kanilang mga obligasyon sa ilalim ng kontrata at nilabag ang mga layunin ng DOT para sa pagpabubuti ng Tourism branding, tatapusin na ng DOT ang kontrata nito sa nasabing ad agency.
Dagdag pa ng DOT na wala silang ibinayad sa DDB sa ilalim ng Tourism branding campaign contract.
Matatandaang umani ng samu’t-saring batikos mula sa publiko ang DOT matapos nadiskubre na ilang video clips sa AVP ng “Love the Philippines” campaign ay hindi orihinal at kuha pa sa ibang mga bansa.
Kabilang umano sa video clips na kuha sa ibang bansa ay ang rice terraces sa Bali, Indonesia; mangingisda sa Thailand; eroplano sa Zurich, Switzerland, dolphins, sasakyan sa San Dunes sa Dubai, UAE, ang Sunrise sa Sri Lanka at ang aerial shot ng Sun Dunes sa Brazil.