NILAGDAAN na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kontrata sa Hyundai Heavy Industries (HHI) para sa anim na offshore patrol vessels (OPV) na nagkakahalaga ng 30 bilyong piso.
Kasama ni Lorenzana na lumagda si Hyundai Heavy Industries vice chairman Nam Sang-hoon na ginanap sa Department of National Defense (DND) sa Camp Aguinaldo.
Sinaksihan ito nina South Korean Ambassador to the Philippines Kim In-Chul, AFP chief of staff General Andres Centino, Philippine Navy acting flag-officer-in-command Rear Admiral Caesar Bernard Valencia at iba pang opisyal.
Nakapaloob din dito ang “Design Ownership” na nagbibigay sa Philippine Navy ng lisensya na gumawa gamit ang disenyo sa OPV para sa eksklusibong paggamit ng gobyerno ng Pilipinas.
Ang mga OPV ay may sukat na 94.4 metrong haba, 14.3 metrong lapad, na may displacement na 2,400 tonelada, maximum speed na 22 knots, cruising speed na 15 knots at range na 5,500 nautical miles.
Ang OPV project ay binigyang-prayoridad sa ilalim ng Second Horizon ng Revised AFP Modernization Program, na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Mayo 2018.