Kontribusyon ng SMNI, kinilala sa Philippine Coast Guard Public Affairs Service Awards 2022

Kontribusyon ng SMNI, kinilala sa Philippine Coast Guard Public Affairs Service Awards 2022

ISA ang Sonshine Media Network International (SMNI) sa mga kinilala ng Philippine Coast Guard Public Affairs Service Awards 2022 bilang katuwang sa paghahatid ng tamang balita at impormasyon sa mga pagbabago at modernisasyon ng organisasyon sa ilalim ng Duterte administration.

Mahalaga ang ginagampanan ng media o ng mamamahayag sa bansa.

Dahil sa kanila nakikilala, nakikita at nalalaman ang mga programa ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan, at maging sa mga pribadong organisasyon.

Ngayong taon, isa ang SMNI sa ilalim ng pamumuno ni Honorary Chairman Pastor Apollo C. Quiboloy sa mga pinangaralan ng kauna-unahang Philippine Coast Guard Public Affairs Service Awards 2022.

Ito ay dahil sa naging kontribusyon ng SMNI sa paghahatid ng tamang balita at impormasyon lalo na sa mga pagbabago ng organisasyon sa ilalim ng Duterte administration.

Bukod sa SMNI, kinilala rin ang iba pang media entity sa bansa na naging kabahagi sa mas pinalaki at pinalawak na Philippine Coast Guard.

Nauna nang pinasalamatan ng organisasyon ang pamahalaang Duterte dahil sa malaking suporta nito sa pagbili ng makabagong kagamitan, pagkakaroon ng dagdag na tauhan, mabilis na pagtugon nito sa pagtatanggol sa teritoryo ng bansa, at pagtitiyak sa kaligtasan ng mga mangingisda at pagbibigay-tulong sa mga nangangailangan lalo na sa mga biktima ng iba’t ibang kalamidad na dumarating sa bansa.

Ngayong taon, aminado ang Philippine Coast Guard na hindi naging madali sa kanilang hanay ang maraming hamon na dumaan sa bansa pero nanatili anila silang matatag sa pagtupad sa kanilang tungkulin mula sa milyon-milyong Pilipinong umaasa sa kanilang kaligtasan at maayos na pamumuhay lalo sa libo-libong pamilyang magsasaka’t mangingisda na nasa teritoryo ng Pilipinas.

Samantala, sa panig ng SMNI, patuloy ang pagsisikap na magbigay ng patas, tama at makatotohanang impormasyon para sa publiko.

Sa ilalim ng mandatoryo ni Honorary Chairman Pastor Apollo C. Quiboloy, mananatiling katuwang ang SMNI para sa nation building.

Follow SMNI News on Twitter