Kontribusyon ni  Pangulong Duterte sa PNP, pinasalamatan

Kontribusyon ni  Pangulong Duterte sa PNP, pinasalamatan

PERSONAL na nagpasalamat ang ilang opisyal ng Philippine National Police sa malaking kontribusyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ahensiya lalo na sa kasalukuyang kampanya ng pamahalaan, kontra kriminalidad, insurhensiya, korupsiyon at iligal na droga.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay NCRPO Chief Police Major General  Vicente Danao Jr., walang mapagsidlan ng tuwa at pagpapasalamat ang buong hanay ng kapulisan para kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ilan sa mga ipinagpapasalamat ng ahensiya ay ang walang humpay na suporta ng pamahalaan  sa mga kapulisan sa ilalim ng seryosong kampanya ng pangulo kontra katiwalian, iligal na droga at kriminalidad.

Isa rin sa priority measures ng gobyerno na gawing doble ang sahod ng mga kawani ng pnp upang maiiwas ang mga ito isyu ng korupsiyon o katiwalian.

Ayon kay Danao, sa kasalukuyang administrasyon lang ito nangyayari.

 “It is only with his administration na naramdaman po natin ang all out support sa lahat po ng law enforcements, hindi lang po sa kapulisan kundi sa lahat. Be it AFP, coast guard, eh talagang. Unang una yung sweldo. It has been almost 6 years that our troops are enjoying yung atin pong pagdoble ng sweldo. It is only in his time na naimplement yan,” ani Danao.

Bukod sa logistic support ni  Pangulong Duterte sa mga kapulisan, umangat din ang moral ng PNP dahil sa tuluy-tuloy na pagkakahuli ng mga indibidwal at maging ng malalaking sindikato sa bansa na may kinalaman sa iligal na droga, kidnap for ransom, gun for hire at iba pang uri ng kriminalidad.

Ayon kay General Danao, kung siya ang tatanungin, kaugnay sa gradong dapat na ibigay kay Pangulo mula sa 1 bilang pinakamababa at 10 bilang pinakamataas, 9 ang ibibigay nito bilang pasasalamat na rin sa mga kalinga aniya ni President Duterte hindi lang sa hanay ng PNP kundi ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon sa heneral, malaki ang ipinagbago ng bansa lalong lalo na marami ang napasuko, napayuko na mga kriminal  at mga suspek na may kinalaman sa malalaking kaso gaya ng droga at usapin sa kaayusan sa ibat ibang komunidad.

 “Well so far po, hindi lang po dahil nag GCQ, ECQ o dahil sa pandemic kundi, siguro  I would asses from 1 to 10, we have 9, almost perfect score po sa ating peace and order,”ayon kay Danao.

Ayon sa PNP, mula sa suportang ipinapakita ni Pangulong Duterte sa kanilang ahensiya, walang puwang na hindi sila magtrabaho at suklian ang kabutihan ng pamahalaan para sa kanilang hanay.

 “Siguro ano nalang talaga, napakawalang hiya mo nalang pag gagawa ka pa ng kalokohan. lalong lalo na sa aking panahon. I’m very very strict. Definitely, kung mayroong mga loko-lokong pulis diyan. You will be automatically discharged. Aside from the criminal case that you will be facing,” ani Danao.

Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, malaki man ang hamon ng bansa sa usapin sa kriminalidad, iligal na droga, katahimikan at kaayusan ng mamamayan, lubos nitong ipinagmamalaki na si  Pangulong Duterte ang kanilang naging Commander in Chief – disiplinado, maayos, at ngayon, mapagkakatiwalaan.

Matatandaang, nanindigan ang PNP na walang sinisino ang ahensiya sa mga masasangkot sa katiwalian maging miyembro man ito ng kanilang hanay.

Sa katunayan, sa tala ng PNP sa ilalim ng pinalakas na Intensified Cleanliness Policy ng PNP, umabot na sa 166 na police officers ang nasampolan ng programa kabilang dito ang 75 na na-dismiss o natanggal na sa trabaho, 48 dito ang naparusahan gaya ng demotion sa ranggo at 43 naman ang suspendido.

Ayon kay General Eleazar, karaniwang kinasasangkutan ng mga ito ay ang mga kaso ng extortion o pangingikil, pang-aabuso ng otoridad, korapsiyon at iba pang uri ng krimen.

Aniya, patunay lang ito na umeepekto ang kanilang inisyatiba para walisin at disiplinahin ang mga pulis na hanggang ngayon ngayon ay hindi pa rin natututo sa kabila ng mahigpit na paalala nito.

“Patunay lamang na gumagana ang mekanismo ng PNP sa pagdidisiplina sa ating kapulisan,” ani Eleazar.

“These 166 police scalawags who were sanctioned are proof that the police organization does not tolerate any wrongdoing or criminal involvement of our men. Lalo na sa NAPOLCOM, hindi nila ito palalagpasin,” dagdag ni Eleazar

 “Muli kami po ay nagpapasalamat sa ating mahal na Pangulo, sa lahat po ng benepisyo na ibinigay po ninyo sa atin pong kapulisan. Maraming salamat po , tatay Digong sa lahat po ng ayuda na ipinarating po ninyo. May God bless you, may god give you a healthier life at sana po humaba pa yung buhay ninyo dahil kailangan po kayo ng bansang Pilipinas,” pahayag naman ni Danao.

 

SMNI NEWS