Kontrobersiyal na luxury vehicle na may markang PNP, posibleng modus para makalusot sa traffic –PNP

Kontrobersiyal na luxury vehicle na may markang PNP, posibleng modus para makalusot sa traffic –PNP

PINAGHAHANAP ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang may-ari ng isang Toyota Alphard na nag-viral sa isang Facebook page dahil sa body marking at logo ng pulisya.

Sa panayam kay PNP spokesperson Col Jean Fajardo, pinag-aaralan na nila ang posibleng modus ng may ari ng sasakyan na ito ay para makalusot sa traffic.

Malinaw aniya na kapag ang isang sasakyan ay kilala na pagmamay-ari ng pulisya ay napagbibigyan ito sa mabilis na usad ng trapiko o pagdaan sa mga pangunahing lansangan.

Mariin ding itinanggi ng PNP na pag-aari nila ang isang Toyota Alphard na may marking ng PNP at nag-viral sa social media nitong weekend.

Ani Fajardo, wala raw ni isa sa datos ng PNP Logistics Support Service na mayroon silang Toyota Alphard.

Una nang kumalat sa social media ang larawan ng luxury vehicle na may PNP marking sa isang Facebook page ng visor.

Batay sa impormasyon, nagkakahalaga ang sasakyan ng higit sa P4 milyon.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng PNP ang report ng PNP Highway Patrol Group katuwang ang Land Transportation Office (LTO) kung kanino nakarehistro ang sasakyan.

Nagbabala rin ang PNP na maaaring maharap sa kasong administratibo at kriminal ang may-ari ng sasakyan dahil sa hindi awtorisadong paggamit ng PNP insignia.

Ayon sa HPG, labag sa batas ang paglalagay ng PNP logo at insignia ng iba’t ibang sangay nito sa mga pribado at pang-personal na sasakyan sa ilalim ng Article 179 ng Revised Penal Code.

 

Follow SMNI News on Twitter