Kontrobersiyal na P71M proyekto sa QC high school itutuloy na—Rep. Suntay

Kontrobersiyal na P71M proyekto sa QC high school itutuloy na—Rep. Suntay

SA kabila ng pondong umabot sa P71M, mga poste pa lamang ang naitayo sa orihinal na planong multipurpose hall sa Carlos Albert National High School—isang proyektong iniwan ng nakaraang administrasyon.

Ngayon, nakikipag-ugnayan na si Quezon City 4th District Representative Bong Suntay sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Education (DepEd) upang maipagpatuloy ang proyekto.

“Pinapunta ko ‘yung sarili kong engineer para ma-document hindi lang ‘yung actual cost nung mga bakal na nandiyan dahil ang sinasabi ay ubos na raw ‘yung P71 milyon. Nagpagawa ako ng bagong plano which will be responsive to the need of the students. Sabi ko hopefully bago ang susunod na graduation tapos na ‘yung multipurpose hall na ‘yun,” saad ni Rep. Bong Suntay, 4th District, Quezon City.

Giit ni Suntay, mahalagang masigurong magiging kapaki-pakinabang at akma sa pangangailangan ng mga estudyante ang proyekto.

Ngunit higit pa rito, iginiit niyang dapat pag-ingatan ang pondo ng bayan—lalo na kung ito ay mula sa buwis ng mamamayan.

“Pagdating sa edukasyon o sa budget na nanggaling sa pinaghirapan ng mga tao na nagmumula sa bulsa ay dapat ingatan natin ito. Hindi dapat ino-over price natin ‘yung mga proyekto kaya kailangan ‘yan tapusin,” ani Suntay.

Bukod sa pagpapagawa ng multipurpose hall, prayoridad rin ni Suntay ang pagpapalakas ng sektor ng edukasyon sa buong distrito—kasama na ang pagtaas ng sahod ng mga guro.

Hindi rin nawawala sa kaniyang agenda ang pabahay para sa mga maralitang walang sariling tirahan—isang hakbang na bahagi ng mas inklusibong serbisyong pampubliko.

Ang pahayag na ito ay inilabas matapos ang kanyang panunumpa bilang bagong kinatawan ng ika-apat na distrito ng Quezon City, kapalit ng dating kongresistang si Marvin Rillo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble