BINABALAK ngayon ng Philippine National Police (PNP) na i-take down ang “polvoron video” na nagsasangkot kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. na diumano’y sumisinghot ng ilegal na droga.
Ito ang kinumpirma ni PNP Public Information Chief PCol. Jean Fajardo sa panayam sa Kampo Krame.
Ayon kay Fajardo, nakikipag-ugnayan na ang kanilang hanay sa Department of Information Communication and Technology (DICT) para sa mabilis na pagbura ng umano’y video ni Marcos Jr. na high sa paggamit ng ilegal na droga.
Nauna nang ipinauubaya ng PNP sa Anti-Cybercrime Group nito ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa pagkakadawit ni Marcos Jr. sa isyu ng paggamit ng ipinagbabawal na droga.