Korap na empleyado ng BOC, daan-daang napatanggal ng PACC sa pamumuno ni Greco Belgica

Korap na empleyado ng BOC, daan-daang napatanggal ng PACC sa pamumuno ni Greco Belgica

DAAN-DAANG empleyado at opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na napatunayang korap ang napatanggal na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa pamumuno ni Greco Belgica.

Ibinahagi ito ni Belgica na ngayon ay tumatakbong senador matapos sabihin ng walo mula sa siyam na kandidato para sa pagka-Presidente na una nilang paiimbestigahan ang BOC para sa korapsyon kung sila ay manalo sa eleksyon.

Isa sa mga pinakamalaking tagumpay ng PACC sa pamumuno ni Belgica ay ang pagsalakay sa smuggled goods na nagkakahalagang P4.5 bilyon na kinasasangkutan ng mga tauhan ng BOC sa Divisoria sa Maynila.

Idineklara rin ng BOC ang kanilang suporta sa mga ginawa ng PACC para alisin ang korupsiyon sa kanilang ahensya.

“Naniniwala ako na talagang nagampanan natin nang maayos ang ating trabaho bilang chairman ng isang anti-corruption commission dahil wala po tayong sinanto,” ani Belgica.

“Mapa-trabahor o mapa-opisyal, kapag nakita nating nagbibigay sila ng daan upang makapagpa-iral ng katiwalian sa ahensya ng gobyerno, malalagot sila sa batas,” saad nito.

Ayon sa datos, mga 800 na tauhan ng gobyerno na ang napaalis at 24 na mga opisyal ang napakulong sa panahon ni Belgica bilang PACC chairman.

Mga 154 na kaso na rin laban sa mga korap na tauhan ng gobyerno naisampa ng PACC sa mga tanggapan ng Ombudsman at Department of Justice (DOJ).

Inaktuhan na rin ng ahensya ang mahigit kumulang 13,000 na kaso at reklamo tungkol sa korupsiyon sa gobyerno.

Ipinangako ng kandidato para sa pagka-senador na itutuloy niya ang laban kontra korupsiyon na nakikita niyang isa sa mga pangunahing rason ng kahirapan sa bansa.

Sinabi ni Belgica na kapag nanalo siya ng pwesto sa Senado, hindi lang ang laban kontra korupsiyon ang kanyang tututukan kundi pati ang pagbibigay ng mas maraming trabaho at oportunidad para makapag-aral para sa mga Pilipino, ang pag-iimplementa ng mga reporma sa buwis, at ang pagpapalakas ng sektor ng kalusugan.

Follow SMNI NEWS on Twitter