MASAKLAP na katotohanan para sa bansa na sa kabila ng pag-alala sa International Anti-Corruption Day na dinaraos tuwing Disyembre 9 ay tila laganap pa rin ang korapsiyon lalo na ang mga nasa posisyon sa gobyerno.
Sa panayam ng Banateros ay isiniwalat ni Dating Presidential Anti-Corruption Commission Chairman (PACC) Greco Belgica na halos napupunta umano sa komisyon ng isang politiko ang kabuuan ng hinihinging pondo para sa mga proyekto ng pamahalaan.
“Unang-una, sa komisyon. Alam na alam natin na merong komisyon sa proyekto. Ang balita ko po ang sumbong sa akin ng mga tao natin na report sa akin na halos, 12 to 48 percent na lang daw po ang natitira sa pondo para sa proyekto. The rest ay napupunta na sa komisyon, 88 percent to 52 percent po ay napupunta na lang po sa komisyon. Dahil ang mga politiko daw po will ask 20 to 40 percent, sabi ni Senator Imee Marcos, tumaas na po ng 40 percent ang hinihingi ng mga pulitiko dahil mag-eelection.”
“So, unless meron akong na-miss, ang mawawala ho dahil sa porsiyento ay 52 to 88 percent. Ibig sabihin, wala na talagang matitira sa proyekto halos mapupunta na lang sa komisyon,” wika ni Greco Belgica, Former Chairman, Presidential Anti-Corruption Commission.
Aniya, makikita sa mga proyekto tulad ng nasa Metro Manila na may iilang mga kalsada na kahit maayos pa ay sinisira na at ang itinuturong dahilan nito ay ang pagkakaroon ng komisyon.
May iba pang mga proyekto na mababa ang kalidad o substandard kaya madaling nasisira dahil manipis ang pagkakalagay ng semento o aspalto sa kalsada.
Isa rin ang kahirapan na isang resulta ng korapsiyon na nangyayari sa pamahalaan.
Kaya tanong ni Belgica…
“So, ang tanong ko, tama ba iyon? Na pasusuweldin nila ang kanilang sarili ng ganoon kalaki samantalang ang mga tao sa atin, mga ordinaryong tao diyan sa Metro Manila ay minimum pay na 650 pesos to 700 pesos a day, tapos sila sumusweldo ng o nagta-take home ng 2 million pesos a month sa pera ng tao? makatarungan po ba iyon?” ani Belgica.
Karapatan ng tao ani Belgica na malaman ng taumbayan kung paano at kung saan nailalagak ang pondo na madalas nasa kamay ng mga politiko.
“Bakit hindi ilagay ‘yung pera sa tamang ahensya para hindi nagmumukhang nangungurap sila dahil pinadadaan pa nila roon sa kanila ang pera tapos kapag tuwing namimigay ng ayuda, eh nabibigyan lang naman ‘yung kalahati, dahil ‘yung kalahati na kalaban nila hindi naman mabibigyan. So, walang katarungan, pera ng taumbayan iyan, hindi naman nila pera iyan,” giit ni Belgica.
Samantala, pagdating naman sa mga nangyayaring sigalot sa politika ay nanawagan naman si Belgica sa mamamayang Pilipino na sa kabila ng pagkakaiba sa paniniwala at paninindigan ng bawat isa ay dapat,
“We have to forget about all of these and start to realize na bago tayo naging pula, bago tayo naging green, ay Pilipino muna tayo and let us work for the benefit of the Filipino. Sa darating pong halalan mga kasama, mga kaibigang nakikinig sa atin, iyan po ang ating gawin. Maglagay tayo ng mga bagong lider at magtulung-tulong tayo, huwag tayong magsiraan, huwag tayong mag-away-away. Maglagay tayo ng mga bagong lider na hindi kurap at gagawin kung ano ang tama,” aniya.