Kredensiyal ng foreign diplomats mula Mexico at South Korea, tinanggap ni PBBM

Kredensiyal ng foreign diplomats mula Mexico at South Korea, tinanggap ni PBBM

TINANGGAP ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga kredensiyal ng Chiefs of Mission mula sa United Mexican States at Republic of Korea sa ginanap na Presentation of Credentials Ceremony ng Bagong Ambassadors to the Philippines.

Ginawa ang seremonya sa Palasyo Malacañang nitong umaga ng Lunes, Hulyo 10, 2023.

Bago tinanggap ang kanilang mga kredensiyal ay nagkaroon ng magandang talakayan si Pangulong Marcos kay South Korean Resident Ambassador-Designate Lee Sang-hwa na sinundan ng Mexican Resident Ambassador-designate Daniel Hernandez-Joseph.

Kooperasyon sa ekonomiya, enerhiya, at depensa, pinalakas pa ng Pilipinas at South Korea

Sa pulong nina Pangulong Marcos at South Korean Ambassador Lee, tinalakay ang mas malakas na tulungan sa larangan ng enerhiya, depensa, trade and investment, at people-to-people exchanges.

Binigyang-diin ni Lee ang pangako ng South Korea sa Pilipinas pagdating sa energy cooperation kung saan binanggit nito na interesado ang kaniyang bansa sa energy generation ng Bataan Nuclear Power Plant.

Maliban dito, umabot sa USD15.44 bilyon ang kabuuang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea (SoKor) noong 2022, kung saan ang SoKor ang ika-4 sa ranking na pinakamalaking trading partner ng Pilipinas.

Sa usapin naman ng depensa, kabilang sa mga pangunahing procurement projects ng Pilipinas mula sa SoKor ay ang dalawang 2,600-ton multi-million frigates, 12 units ng FA-50 aircrafts para sa Philippine Air Force (PAF), at isang Pohang-class corvette para sa Philippine Army (PA).

Lumagda rin ang Defense Department noong 2022 ng P30-B kontrata sa Hyundai Heavy Industries (HHI) para sa pagbili ng 6 na offshore patrol vessels (OPVs) para sa Philippine Navy (PN), na may paunang delivery sa 2025.

Napag-usapan din pati ang pagpapatibay ng papel ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa seguridad ng mga miyembrong bansa ng asosasyon.

SoKor President Yoon at iba pang opisyal, bibisita sa Pilipinas

Samantala, ibinahagi rin ng Korean ambassador ang planong pagbisita ni South Korean President Yoon Suk-yeol sa bansa ngayong taon o sa unang bahagi ng susunod na taon para sa pagdiriwang ng 75 na taong ugnayan ng Pilipinas at Republic of Korea.

 “That’s exactly the point our President Yoon Suk-yeol mentioned to me at the credential ceremony in Seoul. He really, really looks forward to visiting this very country Philippines,” ayon kay Amb. Lee Sang-hwa, South Korean Ambassador-designate to the Philippines.

Inihayag naman ni Pangulong Marcos ang hangaring personal na makapulong si President Yoon upang pormal na gawing strategic partnership ang bilateral relations ng dalawang bansa.

Inaasahan din ni Pangulong Marcos na makapulong ang pinuno ng South Korea sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Nobyembre.

 “Of course, there are many other conferences and I hope that maybe in November when we go to the United States for the APEC because I’m sure your President will attend, maybe we’ll have a chance to at least meet and have a bilateral meeting,” ayon kay Pangulong Marcos.

Sinabi rin ni Ambassador Lee kay Pangulong Marcos na ang South Korean National Assembly Speaker na si Kin Jin-pyo at ang South Korean Foreign Minister ay bibisita sa bansa ngayong taon upang makipagkita sa kanilang counterparts upang higit na palakasin ang relasyon.

Mas malalim na pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at Mexico, tiniyak

Sa meeting pa rin sa Palasyo, binigyang-diin naman nina Pangulong Marcos at Mexican Ambassador Hernandez-Joseph ang pagpapatibay ng 70 na taong kooperasyon at pagkakaibigan ng Pilipinas at Mexico sa larangan ng kalakalan at kultura.

Iniulat ng Mexican ambassador na ang National University ng Mexico ay nag-aalok ngayong taon ng Filipino studies.

Ipinaabot naman ni Pangulong Marcos ang pasasalamat sa Mexico para sa pagtanggap sa Filipino community.

Pinasalamatan din ng Pangulo ang mga inisyatibo ng National University ng Mexico na magbigay ng Filipino studies para sa dagdag na oportunidad na mapalalim ang pagkakaintindihan at tulungan ng mga mamamayan ng dalawang nasyon.

 

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter