DALAWANG convicts ang humarap sa imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa issue ng extra judicial killing (EKJ) at POGO.
Sa pagdinig, dinawit ng presong si Leopoldo Tan Jr. ang pangalan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may pakana umano sa pagpapapatay sa tatlong convicted Chinese drug lords.
Nangyari umano ang insidente noong 2016 sa Davao Penal Colony (DaPeCol) na ngayon ay Davao Prison and Penal Farm.
Sa salaysay ni Tan, may tumawag umano sa kausap nilang nagngangalang Supt. Gerardo Padilla pagkatapos nilang mapatay ang tatlong Chinese drug lord.
“Pinaninindigan mo? Pwede bang pakiulit mo ulit kung ano ‘yung sinabi mo dito?” tanong ni Rep. Ace Barbers.
“Alam ko na ang kausap ni Supt. Padilla ay si President Duterte dahil pamilyar ko ang boses niya,” saad ni Leopoldo Tan Jr.
Pero nang matanong kung personal niyang nakakausap ang dating Presidente kahit matagal na itong nakakulong?
“Nakakausap mo ba si President Duterte?” tanong uli ni Rep. Barbers.
“Naririnig ko lang po palagi ‘yung boses niya kaya pamilyar ‘yung boses niya naririnig ko,” ani Tan.
Si Tan at ang kapwa nitong preso na si Fernando Magdadaro ay sentensiyado dahil sa mga karumal-dumal na krimen.
Si Magdadaro ay convicted sa kasong murder at illegal possession of firearms habang si Tan ay sa drug trafficking.
Kuwento ng dalawa sa komite, sinuhulan sila ng tig-iisang milyong piso sa pagpaslang.
Bukod sa pera, pinangakuan rin umano sila ng laya.
Ngunit para kay dating Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo, naka-full swing na ngayon ang demolition job sa mga Duterte.
“The demolition job on the Dutertes is in full swing,” saad ni Atty. Salvador Panelo, Former Presidential Legal Counsel.
Sa isang pahayag, sinabi ni Panelo na kapuna-puna na mga mamamatay-tao at durugista ang kinakasangkapan ng mga kalaban ni dating Pangulong Duterte laban sa kaniya.
“The enemies of FPRRD are using convicted felons of murders and drug trafficking to link him to the murders of the 3 Chinese detainees of which they were the perpetrators on the basis of their bare allegations,” Atty. Panelo.
Diin ni Panelo, walang mawawala sa mga testigo ng Kamara laban kay Duterte dahil sentensiyado ang mga ito ng habambuhay na pagkakabilanggo.
Kaya para saan pa kung magsasalita ang mga ito ng kasinungalingan?
“Those convicts have nothing to lose since they are jailed for life,” dagdag nito.
Punto pa ng beteranong abogado, kung totoong tumanggap ang mga testigo ng pera kapalit ng pagpaslang ay kaya rin ng mga itong magsinungaling at siraan ang dating Presidente.
Lalo pa’t di hamak na walang kahirap-hirap ang magsinungaling kaysa pumatay ng tao.
Duda rin si Panelo na pinondohan ng mga taong gustong pabagsakin ang dalawang preso na pinagsalita ng Kamara.
Dahilan kaya lumilitaw ngayon ang mga ito.
“Obviously, they are making those statements for a consideration. If it is true as they say that they killed the 3 Chinese in exchange for money and release from prison, necessarily they can lie about FRRRD’s alleged link to the murders for the same consideration of money and freedom coming from those who want to destroy the Dutertes,” aniya pa.
Nauna nang inaasahan ni Vice President Sara Duterte ang paninira sa kaniya at sa kaniyang pamilya ng mga taong tinawag niyang mga taong gustong manatili ng habambuhay sa kapangyarihan.