PUMIRMA na ng kontrata ang aktres at singer na si Kristel Fulgar sa isang South Korean Entertainment Agency.
Sa pinakahuling vlog nito, inihayag ni Fulgar na lumagda siya ng kontrata sa Fivestones Entertainment upang makakuha ito ng working visa sa South Korea.
Ani Fulgar, kapag kumuha siya ng student visa ay kakailanganin niya ng 2 semester o 6 na buwan upang mag-aral at aniya ay ayaw na niyang mag-aral.
Gayunman, sinabi ng dating child star sa kanyang mga subscribers na hindi pa ito handang lumahok sa show business sa Korea.
Bagaman bukas si Kristel sa ideya ng pag-aartista sa Korea ay inamin nitong kinakabahan siya kapag naiisip niya ito.
Ani ng aktres, kung mahirap na ang show business sa Pilipinas, paano na lamang sa Korea at hindi na rin ito umaasa sa ngayon dahil mas nais niyang i-enjoy ang kanyang buhay doon.