Kulong at P2-M multa, parusa sa mga fixer —ARTA

KULUNGAN at malaking halaga ng multa ang inilaan para sa mga indibidwal na mapapatunayang kabilang sa fixing o mga fixer ayon kay Anti-Red Authority (ARTA) Director General Jeremiah Belgica.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, sinumang nag-aalok ng fixing services o nakikipagsabwatan sa fixers ay mahaharap sa isa hanggang anim na taong pagkabilanggo na may multa hanggang P2 milyon.

Ang mga nagkasalang mga government worker ay matatanggal sa kanilang serbisyo, diskwalipikado mula sa paghawak ng serbisyo sa publiko at pagkaitan ng retirement benefits.

Pinagdiinan ni Belgica ang nasabing kaparusahan matapos maiulat ang pagkaaresto ng isang empleyado ng Caloocan City Hall dahil sa pangingikil ng P350,000 mula sa isang negosyante kapalit ng pagproseso ng business permit nito.

“Ang babala ko sa lahat ng taong gobyerno, wag manghihingi o magpapalagay ng pera. Gawin po natin ang trabaho natin nang marangal at maayos kundi paparusahan po kayo ng batas. Ang babala ko naman sa mga taong bayan, huwag nang makipagsabwatan sa fixer at huwag nang mag-alok ng pera,” ayon kay Belgica.

Kasalukuyan ay nakipag-ugnayan ang ARTA sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) upang gumawa ng isang komprehensibong anti-fixer campaign na inaasahang mailunsad ngayong taon.

“Pare-parehong may kaparusahan ang taong pribado at taong gobyerno sa usapin ng kurapsyon. Makipagtulungan po kayo sa amin. Isumbong niyo po para mawala na ang fixer,” ayon pa kay Belgica.

Nananawagan din ang ARTA czar sa publiko na isangguni ang mga anomalya sa gobyerno sa kanilang ahensiya sa pamamagitan ng iba’t ibang complaint channels. Maaaring mag-email ang isang complainant sa [email protected] o i-post ang kanilang larawan o bedyu sa publiko gamit ang #iARTAnaYan sa kanilang Facebook accounts.

SMNI NEWS