Korupsiyon sa PhilHealth, ikinadismaya ng maraming mamamayan

Korupsiyon sa PhilHealth, ikinadismaya ng maraming mamamayan

MARAMI sa mamamayan ang dismayado at nangangamba sa kanilang mga kontribusyon sa PhilHealth gayong may mas nakikinabang pala bukod sa kanila.

Ito’y matapos ang sunod-sunod na anomalya na nangyayari sa pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhiHealth).

Ayon sa nagbitiw na si Anti-Fraud Legal Officer at abogadong si Thorrsson Keith, bilyon-bilyong pondo ng ahensiya ang diumano’y kinurakot ng ilang mga opisyal.

Ayon sa mga kontributor ng PhilHealth, galit at dismayado sila sa balitang ibinubulsa ng mga opisyal ang pondo ng ahensiya.

Matatandaang na noong nakaraang taon naging sentro din ng kontrobersiya ang PhilHealth kaugnay sa panukalang gawing mandatory ang kontribusyon ng mga overseas Filipino workers.

Ngunit batay din kay Pangulong Duterte, tila hindi pa kumbinsido ang Pangulo na patawan ng kaparusahan si PhilHealth Chief Executive Officer at President Ricardo Morales bagkus patuloy pa rin na pinagkakatiwalaan ito ng Pangulo.

“Sinabi ng Pangulo na hindi niya ito sisipain sa puwesto maliban kung may ebidensiya at sa tingin ko ay nasa proseso na ang Senado ng pagdodokumento nito.” Atty. Harry Roque, Presidential Spokesperson

 

Maaalalang nilagay ng Pangulo si Morales bilang pinuno, sa layuning sugpuin ang korupsiyon, sa naturang pampublikong korporasyon noong Hulyo ng nakaraang taon.

Samantala, nagbitiw si Keith sa kanyang posisyon noong Hulyo 23. Isa sa dahilan ng kanyang pagbibitiw ay ang “malawak na korupsiyon sa PhilHealth,” batay sa kanyang resignation letter na isinumite sa opisina ni Morales.

Una nang inireklamo ni Keith ang umano’y pagkaantala ng kanyang suweldo at hazard pay na aniya’y nagsimula nang kanyang imbestigahan ang mga opisyal nito.

Humarap na rin si Keith sa pagdinig ng Senado noong Agosto 4 hinggil sa nasabing anomalya sa PhilHealth, at isiniwalat nito ang diumano’y P15-bilyong pondo na kinurakot umano ng mga opisyal ng PhilHealth.

Naging mainit na usapin din sa naturang pagdinig ang overpricing ng badyet para sa 2020 ng ICT sector ng PhilHealth na nagkakahalaga ng mahigit P734-milyong aprubado ng mga opisyal nito.

Ayon kay Alejandro Cabading, accountant at PhilHealth board member, nadiskubre niya ang mga iregularidad nang ihambing ang panukalang badyet para sa 2020 ng ICT sector ng naturang ahensiya sa Information Systems Strategic Plan (ISSP) na aprubado ng Department of Information and Communications Technology.

Kasama sa mga kuwestiyunableng mga item sa naturang badyet ang Adobe Master Collection software na may halagang P21-M (P168, 000 ayon sa ISSP); hindi deklaradong bilang ng laptop, P119-M; 43 ‘di deklaradong “ICT resources”, P40-M; tatlong walang pangalan na mga proyekto na nagkakahalagang P98-M at marami pang iba.

Batay sa datos ng PhilHealth noong 2014, umaabot na sa 80 milyon ang beneficiaries nito globally o 82% ng populasyon sa bansa ang miyembro ng PhilHealth.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.