Laban kontra terorismo ng PNP, tiniyak na walang paglabag sa karapatang pantao

Laban kontra terorismo ng PNP, tiniyak na walang paglabag sa karapatang pantao

TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na walang paglabag sa karapatang pantao laban kontra terorismo.

Sinisiguro ng pamunuan ng PNP na ito’y tatalima sa mga guidelines o alituntunin na nakasaad sa Commission on Human Rights (CHR).

Ito’y matapos magbigay ng paalala ang CHR para sa mga ginagawang operasyon ng awtoridad kontra terorismo sa bansa.

Ayon PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na sila mismo ay biktima din ng mga teroristang grupo tulad ng CPP-NPA-NDF.

Kaya hiling ni Elezear sa CHR na ipaabot din ang paalala sa mga terorista dahil mas marami itong napatay at nabiktima ng kanilang karahasan lalo na ang mga inosenteng sibilyan.

Partikular na dito ang FEU football player na si Keith Absalon at tatlong vendor sa Masbate.

Binigyang-diin ni General Eleazar na sandigan ng polisiya ng pambansang pulisya ang pagpapahalaga sa karapatang pantao at pagbibigay-serbisyo.

 “Malaki ang respeto at pagpapahalaga ng PNP sa karapatang pantao. Ito ang sandigan ng ating human rights-based policing. Pangunahin sa ating mga kapulisan ang pangangalaga sa human rights kasabay ng aming mandatong magbigay serbisyo sa publiko,”ayon kay General Eleazar.

Nilinaw din ng PNP chief na kahit kalaban ng estado ang teroristang grupo, kinikilala pa rin ng PNP ang karapatan ng mga ito.

“Although these terrorists are enemies of the state and of civilized society, we recognize their rights as persons entitled to their day in court for the crimes they have been accused of,”dagdag nito.

Pero sa huli ginagarantiya ng heneral na nakahanda ang buong kapulisan para ipagtanggol ang mamamayan laban sa mga rebelding komunista na hindi kumikilala ng human rights.

“Ang PNP ay nandito para protektahan ang ating mga komunidad mula sa mga teroristang grupo na walang anumang respeto sa batas at karapatang pantao,”ayon kay Eleazar.

SMNI NEWS