Laban ng gobyerno vs ilegal na droga sa grassroots level, malaki ang progreso—PBBM

Laban ng gobyerno vs ilegal na droga sa grassroots level, malaki ang progreso—PBBM

IBINIDA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang naging tagumpay ng gobyerno sa laban nito kontra ilegal na droga sa grassroots level.

Ito ay kasunod ng ulat ng Philippine National Police (PNP) na nakapagkumpiska ito ng humigit-kumulang P10.4-B halaga ng narcotics noong 2023.

Kasabay rito, iniulat din ng PNP na nasa mahigit 27 libong (27,968) mga barangay ang naideklara nang drug-cleared.

Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na magandang progreso ang anti-illegal drugs campaign ng gobyerno sa grassroots level.

“Magandang progreso ito sa grassroots level dahil ang mga barangay ay pag nasabi natin ay cleared ‘yan, madali nang i-monitor at maayos na ang patakbo doon,” saad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Idinagdag pa ni Pangulong Marcos na palagi ring tinitingnan ng pamahalaan ang rehabilitation at prevention sa usaping ito.

“Siyempre, lagi rin natin tinitingnan ‘yung rehab— ‘yung prevention na hindi na pumasok ‘yung mga kababayan natin sa masasamang ugali tungkol dito sa drugs at kung sino man ang nasubo na ay bibigyan natin ng tulong sa pamamagitan ng mga rehabilitation center,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Saad ng Punong-Ehekutibo, gumawa ng mga hakbang ang national government para tutukan at sawatahin ang ilegal na droga sa lokal na antas. Maliban diyan ay nakipagtulungan na rin ito sa 50 probinsiya, 1,160 munisipalidad, at 30 lungsod sa pagpapatupad ng Anti-Drug Abuse Councils (ADACs).

Binanggit din niya na nakapagsagawa rin ng 74 in-patient treatment at rehabilitation facility para magbigay ng daan tungo sa paggaling para sa mga gustong makawala sa kanilang adiksiyon.

Samantala, kabilang din sa iniulat ng PNP na umabot sa mahigit 56 na libong (56,495) mga suspek ang naaresto matapos magsagawa ng mahigit 44,000 anti-illegal drug operations.

Mababatid na isinasagawa ng kasalukuyang administrasyon ang bagong estratehiya sa pagtugon sa mga ilegal na droga sa pamamagitan ng pagtutok sa rehabilitation, reintegration, at preventive education programs partikular para sa mga kabataan.

Nauna na ring sinabi ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na magandang accomplishment ito ng pamahalaan patungkol sa anti-illegal drugs campaign.

Gayunpaman, iginiit ni Dela Rosa na base sa komento ng taumbayan, mas may diin o tindi ang aksiyon ng nakaraang administrasyon sa kampanyang ito.

“Magandang accomplishment ‘yan, magandang accomplishment,” pahayag ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble