INAAYOS na ngayon ng gobyerno ng Pilipinas at China ang isang bilateral labor agreement para makapagpadala ng mas maraming manggagawang Pilipino.
Ito ang sinabi ni Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz sa eksklusibong panayam ng SMNI News.
Saad niya, mas maraming mga oportunidad ang makukuha ng Pinoy workers oras na maisapinal ang kasunduan.
“Opo, marami pong mga Pilipino na nagpupuntahan na dito… Mga 15,000 po ang mga Pilipinong nagpupuntahan sa Mainland China,” pahayag ni Amb. Jaime FlorCruz, Philippine Ambassador to China.
Sa kasalukuyan ay karamihan sa mga OFW sa China ay English teachers, Engineer, Hotel at HR Managers, mga nasa accounting at finance.
Naka-concentrate aniya ang mga Pinoy sa Beijing, Guangzhou at Shenzhen kung saan marami ang oportunidad.
At mas dadami pa aniya ito dahil inaayos na ngayon ng pamahalaan ang labor agreement nito sa China.
“So marami pong oportunidad dito kaya lang inaayos po natin kasi wala pa tayong labor agreement with China,” dagdag ni FlorCruz.
“So, marami pong mga posibilidad na in the near future kailangan po nila ang mga manggagawa dito technicians, at lalo na po ‘yung caregiver at nurses,” aniya.
Sahod sa caregiving at nursing industry sa China, tumaas
Samantala, iginiit ng ambassador na mas mataas ngayon ang sahod sa caregiving at nursing industry sa China.
Ayon kay FlorCruz, tumaas ang labor cost sa nasabing mga trabaho dahil sa aging population doon.
“Marami pong mga pamilyang Tsino na… Actually, alam nila ang reputasyon ng mga Pilipinong nannies na hindi lang nakatutulong sa bahay, nakakapag-alaga ng mga maliliit na bata at natuturuan pa ng Ingles at iba pang matututunan,” aniya pa.
Batay sa datos ng China nitong Pebrero, mahigit 280 million ngayon ang aged 60 years old above sa kanilang bansa—mas marami kumpara sa bilang ng lahat ng mga Pilipino.
Ngunit, mas pipiliin aniya ng mga Pinoy na maging caregiver sa China kaysa sa Middle East.
Amnesty naman ang panawagan ng mga overstaying Pinoy workers sa China para makauwi sila ng Pilipinas.
Payo naman ng embahada…
“Meron tayong ginagawa para matulungan sila. Kaya nga po sinasabi ko rin na mag-ingat ang mga kababayan natin na may planong pumunta pero dumadaan sa mga hindi tamang paraan,” ayon pa kay FlorCruz.