SINABI ni presidential aspirant Sen. Panfilo “Ping” Lacson na fake news ang isang video na kumakalat ngayon sa YouTube na nagsasabing aatras sila mula sa eleksyon para makiisa sa BBM-Sara Tandem.
Itinanggi naman ng dalawa na nakasama nila si Imee Marcos na kapatid ni BBM noong March 22.
Ayon kay Joel Lacson, imposibleng mangyari ito dahil nasa Nueva Ecija di umano ang dalawang kandidato noong Martes.
Ang naturang video ay mayroon ng 19,184 views, 206 komento, at 1,300 reaksiyon sa YouTube makaraan ang walong oras.
Ani Lacson, huwag maniwala sa fake news dahil ang tanging oras lamang na aatras sila sa eleksyon ay sa May 9 kung kailan sila tutungo sa Malacañang o tatanggapin ang pagkatalo sa eleksyon.
“Isang malaking kasinungalingan! Tuloy po tayo at walang atrasan,” saad pa nito.
Ang video na pinost ng isang page na ”Showbiz Fanatics” ay sinasabing aatras si Lacson at ang running mate nitong si Sen. Vicente Sotto III mula sa 2022 presidential at vice presidential race at susuportahan na lamang sina dating Senator Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio.