Lacson-Sotto, nanawagan na pahabain ang oras ng nakatakdang COMELEC Debate

Lacson-Sotto, nanawagan na pahabain ang oras ng nakatakdang COMELEC Debate

NANAWAGAN ang tambalang Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson at SP Vicente ‘Tito’ Sotto III na pahabain ang oras ng nakatakdang debate ng Commission on Elections (COMELEC).

Ito ay para hindi aniya mabitin ang mga kandidato sa paglalahad ng kanilang mga plano at plataporma para sa bayan lalo pat maraming kandidato ang maaring dumalo.

Nakatakda naman sa Marso 19 at Marso 20 ang debate para sa mga presidential and vp bets ng COMELEC.

“Ang suggestion ko sa COMELEC, hatiin. Masyadong maraming kandidato e… Like for example, sa nine nila, mag draw sila… ‘yung isang debate lima, ‘yung isang schedule ‘yung apat. So,  sa vice president ganon din,” ayon kay Sotto.

Ayon kay presidential candidate Senator Ping Lacson hindi sasapat ang 1 minuto and 30 segundo na pagsagot sa tanong sa debate.

Sinabi pa nito na sa harapang debateng dinaluhan niya ay marami siyang pinaghandaang tanong na hindi naman natanong.

“Kung ilalatag mo ang plataporma mo in one minute and 30 seconds  hindi talaga sasapat. Ako well prepared ako eh. Ang daming hindi natanong, water crisis, power crisis,” ani Lacson.

Ayon naman sa COMELEC, 9 na mga kandidato sa pagkapangulo ang kumpirmadong  dadalo sa kanilang debate sa Marso 19.

Ito ay sina former presidential spokesperson Ernesto Abella, Dr. Jose Montemayor Jr., former national security adviser Norberto Gonzales, Labor leader Leodegario “Leody” de Guzman, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Emmanuel Pacquiao, Faisal Mangondato, at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Vice President Maria Leonor ‘Leni’ Robredo.

Si BBM hindi pa kumpirmadong dadalo sa naturang debate habang ang kaniyang running mate na si Inday Sara ay nagpasabi na hindi dadalo.

Ayon kay Director James Jimenez, hindi sila magbibigay ng advance questions pero magbibigay aniya sila ng ideya kung ano ang magiging topic na maaring matanong sa debate.

Dagdag pa ni Jimenez, mayroon lamang isang moderator na siyang magtatanong sa lahat ng kandidato.

Follow SMNI News on Twitter