UMARANGKADA ngayong unang araw ng kampanya ang Lacson-Sotto tandem proclamation rally sa Imus, lalawigan ng Cavite.
Napiling isagawa ng Partido-Reporma ang proclamation rally sa Imus Cavite ngayong unang araw ng pangangampanya sa 2022 elections.
2:30 ng hapon ay humarap muna ang sa isang press conference ang presidential at vice-presidential candidate.
Dito tiniyak ni Lacson na kanilang susundin ang health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan ngayong campaign season.
‘’Nilimit namin ang dadalo dahil alert 2 ang Cavite. Ibig sabihin 70 percent pag outdoor, 50 percent pag indoor at sa takbo ng aming kampanya for 90 days susundin namin yun ganun kami ka disiplinado,’’ ayon kay Senator Panfilo Lacson.
Samantala ipinaliwanag naman ni Senate President Tito Sotto III kung bakit ang Imus ang kanilang napiling ganapan ng proclamation rally.
‘’I cannot think of any other province na involving Senator Lacson na hindi Cavite. Aside from the fact na dito sya ipinanganak ay isa sa pinakamalaking voting population ang probinsya na ito,’’ ayon kay Senator Sotto III.
Bukod sa Cavite sinabi din ni Sotto na magkakaroon din ng mini proclamation rally sa Quezon City, Cebu, Nueva Ecija, at Davao Del Norte sa mga darating na araw.
Alas 3:00 naman ng hapon ay nag-attend ng misa sa Imus cathedral ang dalawa.
Alas 4:30 ng hapon ay tinungo na nina Lacson at Sotto ang Imus Grandstand para sa kanilang proclamation rally upang ipahayag ang kanilang mga plataporma sa publiko sakaling palaring manalo sa halalan bilang Pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.
Kasama sa team Lacson-Sotto na unang nagpakita ay sina dating PNP Chief Guillermo Eleazar, Dr. Minguita Padilla, at JV Ejercito.
Samantala may paalala naman ang partido sa mga kasama nito na guest candidate din sa ibang political party.
‘’Siguro ang magiging problema ay yung nagsabi na kasama namin pero later on ay nag-eendorse ng ibang kandidato ay eh okay na yun doon na lang sila,’’ saad ni Sotto III.