SINISILIP na ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat ng reclamation project sa Manila Bay kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na suspendihin ang lahat ng operasyon nito.
Ayon kay Environment Sec. Maria Antonia Yulo-Loyzaga, suspendido ang lahat ng 22 reclamation projects sa Manila Bay at sasailalim sa review.
Ito ay kasunod na mapaulat na wala pang natatanggap na komunikasyon ang Philippine Reclamation Authority upang ipatigil ang lahat ng reclamation project kahit pa ipinag-utos na ito ni Pangulong Marcos.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang utos kasunod ng matinding pagbaha na naranasan sa ilang bahagi ng Metro Manila at ilang bahagi ng Bulacan at Pampanga.
“As soon as the President speaks, I think that will be in effect and so he actually declared this over the last couple of days,” saad ni Sec. Maria Antonia Yulo-Loyzaga, DENR.
Nilinaw ng kalihim ng DENR sa Pangulong Marcos ang naunang pahayag nito na may isang reclamation project itong hindi pinapayagang ipagpatuloy ang proyekto.
“Actually upon clarification with the President and as you will see and this suspension all are under review,” dagdag ni Sec. Loyzaga.
Binigyang diin ni Sec. Loyzaga na mananatiling seryoso ang ahensiya sa mandato nito na mapasaayos ang Manila Bay hanggang maging ligtas ito para malaya ang publiko na lumangoy at makapangisda.
Hindi lamang ang DENR ang kasama sa mandatong ito kundi ang 13 pang ahensiya na inatasan ng Korte Suprema para sa rehabilitasyon ng Manila Bay kaya naniniwala si Sec. Loyzaga na mahalagang gawin ang pagreview sa mga reclamation project.
Dagdag din ng DENR secretary na magkakaroon ito ng scientific team na inaasahang magpupulong ngayong buwan na magsasagawa ng community impact assessment.
Binubuo ito ng scientist, oceanographers, geologist, climate scientist, social scientist at iba pang eksperto.
DENR Sec. Loyzaga iginiit na wala itong kinatatakutan sa mga nasa likod ng Manila Bay reclamation
Samantala, kaugnay naman sa naging pahayag ni Sen. Cynthia Villar na takot si Sec. Loyzaga sa mga makapangyarihang tao na nasa likod ng Manila Bay reclamation project ay ito ang naging tugon ng kalihim.
“For those who… Well, I don’t know many of you, but you can ask the people who do know me. I am not easily scared,”aniya.
Binigyang-diin ng Marcos administration na binabalanse nito ang pagkakaroon ng sustainable development sa pamamagitan ng mga reclamation project na nasisira ang kalikasan.