Lalaki na positibo sa mpox, nagtungo sa 2 establisyemento sa QC; 41 nakasalamuha ng pasyente, isinailalim sa quarantine

Lalaki na positibo sa mpox, nagtungo sa 2 establisyemento sa QC; 41 nakasalamuha ng pasyente, isinailalim sa quarantine

KINUMPIRMA ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na muli nilang binuhay ang Quick Response Team kontra monkeypox na ngayo’y mpox.

Kasunod ito ng report ng Health Department na isang 33-taong gulang na lalaki na residente ng National Capital Region (NCR) ang unang kaso ng mpox para sa taong 2024.

Sa report ng QC Health Department, napag-alaman na nagtungo ang pasyente sa dalawang establisyemento sa naturang lungsod.

Sa isinagawang contact tracing, Agosto 8 nang magka-sintomas ng virus ang nasabing pasyente.

‘Yun nga lang ay pumunta pa ito sa ilegal na spa sa E. Rodriguez nitong Agosto 11 at nakipagtalik umano sa isa sa mga kliyente.

Agosto 15 naman nang magtungo ang lalaki sa isang dermatology clinic sa kaparehong lungsod para sana sa warts removal.

Pero, napansin na sa pasyente ang sintomas ng mpox tulad na lamang ng rashes at mala-bulutong sa katawan nito.

Sa resulta ng contact tracing ng QC Health Department, nasa 41 indibidwal ang natukoy na may closed contact sa pasyente.

27 spa clients ang inilagay sa type 1 o may direct contact, may sexual contact o nahawakan ng pasyente.

1 sa 10 spa employees ang napabilang sa type 1 at ‘yun ang masahista ng pasyente.

9 naman ang nasa type 2 at 3 na na-expose sa pasyente o nakasama ng pasyente sa iisang lugar.

Sa kabuuang bilang, ang 3 empleyado at 4 na kliyente ng spa ay napag-alamang residente ng Quezon City.

Dahil dito, isinailalim na sa quarantine ang mga indibidwal na may direct contact sa pasyente.

“All of them mino-monitor natin ‘yung kanilang quarantine for 21 days so hanggang September 1 ito. Wala sa kanila pa at this time na may symptoms,” ayon kay Dr. Rolly Cruz, Head, QC CESU.

Oras naman na makaranas ng sintomas ng mpox virus ang mga close contact ng pasyente.

“Ang unang mararamdaman diyan ay lalagnatin ang pasyente tapos after 1 to 3 days ay lalabas na ‘yung mga rashes ‘yung different types of rashes. Puwede sa mukha, sa any part ng katawan ng pasyente even in the genital ng pasyente,” dagdag ni Cruz.

Napag-alaman pa ng QC government na ang ilegal na spa pala ay may extra service or pang entertainment service ang operasyon.

Wala ring dokumento na mula sa lokal na pamahalaan na magpapatunay na lehitimo ang operasyon nito.

Ipinasara na ng QC government ang nasabing spa na pinuntahan ng pasyente.

“Medyo nabahala kami by the fact that wala silang business permit and all other ancillary permits. The establishment such as that which called technically fun industry tawag diyan or I think fun industry ‘yan ang technical term. Kailangan talaga na mayroon silang sanitary permit at kaakibat kasama na bago makuha ‘yung sanitary permit mayroon health clearance and none of them apparently the workers in that establishment have that yellow card. So, they are not compliant,” saad ni Mayor Joy Belmonte, Quezon City.

Dahil dito, maghihigpit na umano ang QC government sa mga ganitong uri ng establisyemento lalo’t idineklara na ng World Health Organization (WHO) na isang public health emergency ang mpox.

‘Yun nga lang at wala pang bakuna kontra mpox sa bansa kaya malaking bagay umano ang ginagawang contact tracing, quarantine at monitoring.

“Hindi tayo mag-panic or maging alarm kasi kung alam natin kung papaano tayo mahahawa kailangan nating protektahan ang sarili natin. Hindi lahat ay high risk ay mga high risk natin ay mga multiple sexual partner, kung ikaw ay frequently nagkakaroon ng sexually transmitted infection ay ikaw ay high risk,” dagdag ni Cruz.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble