NAGHAIN ng reklamo ang pamilya ng 30-taong gulang na si Angelo Quinto matapos masawi ito sa kamay ng mga otoridad sa Antioch, California.
Nasawi ang Fil-Am na si Quinto matapos luhuran ng pulis ang leeg nito ayon sa kuwento ng pamilya ng biktima.
Ayon sa ina ng biktima na si Cassandra Quinto-Collins, tumawag sila ng 911 nang mag-umpisang magwala si Quinto noong Disyembre 23.
“His biggest fear was death and his second biggest fear was the police,” ayon pa sa ina ni Quinto na siyang tumawag ng 911 nang magkaroon ng mental health crisis ang biktima.
Nang dumating ang mga pulis, natagpuang nakatihaya na sa sahig si Quinto katabi ng kanyang ina.
Mula rito ay kanilang tinaob ang biktima at isa sa mga otoridad ang lumuhod sa leeg nito hanggang sa mawalan nang malay ang biktima.
“He said ‘Please don’t kill me. Please don’t kill me,'” paglarawan ni Collins sa huling salita ng kanyang anak. “I was there. I was watching them. I trusted them. I thought they know what they’re doing.”
Tatlong araw matapos ang insidente ay binawian ng buhay si Quinto.