Lalaking nagtangkang magpakamatay, nailigtas ng QCPD

Lalaking nagtangkang magpakamatay, nailigtas ng QCPD

NAILIGTAS ng Anonas Police Station (PS-9) sa ilalim ni PLtCol. Ferdinand Casiano si Raswel Lagundasan, 30 anyos ng Brgy. Pasong Putik, Quezon City, na nagtangkang magpakamatay sa Bank of Commerce rooftop sa Commo Masaya, Brgy. Old Capitol Site, Quezon City.

Batay sa report, nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng PS-9 nang makita nilang pinagsasaksak ng isang lalaki ang sarili gamit ang bladed weapon sa rooftop ng nasabing establisyimento.

Agad na ipinaalam ng nasabing mga pulis ang kanilang tungkulin sa Station Tactical Operation Center (STOC) na mabilis na humingi ng tulong sa hotline 122 para sa special rescue operation.

Dahil dito, alas-5:50 ng hapon sa parehong petsa, isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng PS 9, Bureau of Fire Protection (BFP) Special Rescue Team, at Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) Medical Team.

Matagumpay na nailigtas si Lagundasan na kalaunan ay dinala sa East Avenue Medical Center para magamot.

Sa huling ulat nasa mabuti nang kalagayan si Lagundasan.

Pinapurihan naman ni QCPD Director PBGen. Redrico A. Maranan, ang mga tauhan ng PS-9, BFP, at QCDRRMO sa kanilang mabilis na pagresponde na nagresulta sa agarang pagsagip sa biktima.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble