TULUYAN nang binawian ng buhay ang isang lalaking tumalon mula sa departure area at bumagsak sa ground level ng NAIA Terminal 1 kahapon ng hapon.
Kinumpirma ito ng Manila International Airport Authority (MIAA) kung saan idineklara nang patay nang isinugod sa ospital ang nasabing lalaki.
Nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng MIAA sa mga naiwang pamilya ng biktima.
Ayon sa MIAA base sa nakuhang ID, kinilala ang biktima na si Michael Laureño, 26-taong gulang na isang helper mula sa Sto. Tomas, Batangas.
Matatandaan kahapon naiulat na tumalon ang biktima mula sa public area ng departure level ng NAIA Terminal 1 at bumagsak ito sa semento ng arrival area.
Nangyari ang insidente pasado alas dose ng hapon.
Agad na isinugod ng MIAA Medical team ang biktima sa Pasay City General Hospital dakong 1:14 ng hapon at dakong 2:45 ng hapon nang inanunsyong binawian na ng buhay si Laureño.
Sa pahayag ng MIAA Airport police Department, isang babae ang nakasaksi na bago nangyari ang insidente ay nakitang balisa at hindi mapakali ang biktima.
Aniya ay palakad-lakad ito at nakatingin sa malayo sa labas ng departure area at hindi nagtagal nakita ng saksi ang lalaki na umakyat sa pasamano at tumalon.
Ang pahayag ng babae ay tumpak sa inilabas na pagsusuri sa CCTV.
BASAHIN: Babaeng nagtangkang tumalon sa NAIA Terminal 1, nasagip ng mga nakaduty na pulis