Las Piñas City, naglaan ng P200-M pambili ng COVID-19 vaccine

PRAYORIDAD ng Lungsod ng Las Piñas na nabigyan ng libreng COVID-19 vaccine ang nasa hanay ng health services, mga empleyado ng lokal na pamahalaan nito, mga pulis, senior citizens at mga mahihirap na residente.

Ito’y matapos na maglaan ng P200 milyon na augmentation fund sa national government para sa karagdagang pambili ng bakuna sa COVID-19.

Sa panayam kay Las Pinas City Administrator Rey Balagulan, matagal na nilang napaghandaan ang pondo para sa bakuna laban sa COVID-19.

Tanging hinihintay nalang ng lungsod ang pangalan o brand ng bakuna na aaprubahan ng Food and Drugs Administration o FDA para agad na makabili ng bakuna sa lalong madaling panahon.

“Nakapaglaan na po tayo ng P200 milyon para pambili ng COVID-19 vaccine. Siyempre, mas maganda na at makapaghanda ng maaga dahil hindi natin alam baka nakapasok na nga ang bagong variant ng COVID-19 sa bansa,” pahayag ni Balagulan.

Giit pa ni Balagulan, mas mainam na makabili na agad ang pamahalaan ng bakuna dahil may posibilidad aniya na nakapasok na ang bagong variant ng COVID-19 virus nang hindi nalalaman ng tao.

“Immediate, dapat,” ayon pa ni Balagulan.

Kaugnay nito, muling pinapaalalahanan ng lungsod ang mga residente nito kasama na ang mga labas-masok na mga indibidwal sa kanilang lugar na ugaliing sumunod sa ipinatutupad na minimum health protocols upang maiwasan ang hawaan ng nakamamatay na sakit na coronavirus disease 2019.

“Patuloy po ang paalala natin sa mamamayan natin na sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols laban sa COVID-19,” paalala ni Balagulan sa publiko.

Samantala, bukod sa Las Piñas nauna na ring nag-anunsiyo ang lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa kanilang kahandaan sa pondo para pambili ng COVID-19 vaccine

Mga LGUs na naglaan ng pondo para sa COVID-19 vaccine:

Makati City – P1 bilyon

Caloocan City – P500 milyon

Pasig City – P300 milyon

Valenzuela City – P150 milyon

Navotas City – P20 milyon

Pero paglilinaw ng Department of Health, ang national government lang ang maaaring mag-angkat ng bakunang nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA), pero handa naman daw silang makipagtulungan sa LGUs.

Makakabili lang aniya nang direkta ang LGUs sa vaccine manufacturers kapag may ganap na itong lisensiya, dagdag ng DOH.

SMNI NEWS