Las Piñas LGU, handa na para sa vaccination program

TINIYAK ni Las Piñas City Mayor Imelda “Mel” Aguilar  ang kahandaan ng lokal na pamahalaan sa nalalapit na pagsasagawa ng malawakang pagbabakuna sa lungsod ngayong buwan .

Ito ang inihayag ni Mayor Mel Aguilar kasabay ng kanyang mainit na pagtanggap kasama si Vice-Mayor April Aguilar, sa pagbisita sa Las Piñas ng COVID-19 Vaccine Code Team sa pangunguna ni Inter-Agency Task Force (IATF)  Chairperson and Department of Health (DOH) Secretary Francisco T. Duque III, ngayong hapon, February 9,2021.

Kasama sa Code Team visit sina Dr. Ma. Paz P. Corrales,CHD Metro Manila,Assistant Secretary Marcelo C. Morales, at Director Debbie T. Torres,CESO V, Assistant Bureau Director,NBOO-DILG.

Bilang patunay na handang-handa na sa mass vaccination program sa lungsod,iprinisinta sa team ni Dr. Juliana Gonzales,ng City Health Office, ang local COVID-19 Situation Report ng Las Piñas City at COVID-19 Vaccination Plan .

Sinundan ng presentasyon ng matagumpay na simulation o dry-run ng vaccination ng lungsod na isinagawa nitong Lunes,February 8,2021 sa vaccination site sa Las Piñas Elementary School Central sa P. Diego Cera, Barangay Elias Aldana,upang ipakita sa publiko ang maayos, komprehensibo at konkretong vaccination plan kalakip dito ang mga itinakdang pamantayan at proseso  sa pagbabakuna para tiyakin ang kaligtasan ng mga magpapabakuna at maiwasan ang posibleng pagkalat ng mga sakit sa lungsod.

Binigyang-diin ni Mayor Mel Aguilar na ligtas at epektibo ang mga bakunang papasok sa lungsod kasabay ng paghikayat ng alkalde sa mga taga-Las Piñas ang kanilang kooperasyon sa vaccination program ng gobyerno lalo na’t darating na ang vaccines sa bansa ngayong Pebrero.

“Dumating na ang pag-asa natin upang malabanan ang pandemyang ito,aking sinisiguro na ating ipatutupad ang kaayusan ng programa magmula sa ating mga itinakdang screening sites,registration areas at vaccination centers sa mga barangay sa lungsod dahil nananatiling prayoridad ng ating Lokal na Pamahalaan ang seguridad sa kalusugan,kaligtasan  at kapakanan ng mga Las Piñeros,” pahayag ni Mayor Mel Aguilar.

“Nais kong ipakita sa ating mga kababayan ang pag-asa at pagmamahal ko sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng magagandang insentibo at pribilehiyo sa pag-avail ng vaccination sa lungsod,” dugtong pa ng alkalde.

Sinabi pa ng alkalde na nasa 500,000 doses ng bakuna mula sa British drug maker AstraZeneca ang nasiguro ng Lokal na Pamahalaan sa tulong ng gobyerno.

Target mabakunahan ang 3,000 residente kada araw sa lungsod kabilang na rito ang mga frotline health workers,senior citizens,uniformed personnel, teachers at social workers,government workers,iba pang essential workers,PDLs at PWDs,OFWs at estudyante base sa natukoy sa listahan ng DOH.

Unang naglaan ang Las Piñas City Government ng P200-milyong pondo o augmentation funds sa national government para sa pagbili ng karagdagang COVID-19 vaccines na gagamitin sa malawakang pagbabakuna sa lungsod.

Pinuri naman ng CODE Team ang maayos at konkretong vaccination plan ng Las Piñas gayundin ang COVID response nito para pigilan ang pagkalat ng mga sakit.

Samantala,nagpaabot ng lubos na pasasalamat si Mayor Mel Aguilar sa CODE Team sa walang humpay na pagsuporta sa hakbangin at mabuting adhikain ng Lokal na Pamahalaan upang  sama-samang labanan ang COVID-19 pandemic sa lungsod.

SMNI NEWS