PATULOY ang pagliit ng lawak ng pinsala ng oil spill bunsod ng paglubog ng Mt. Princess Empress sa karagatan ng Naujan Oriental Mindoro.
Pero ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), mahigpit nila itong binabantayan hanggat hindi pa rin narirekober ang 800k liters ng langis na lulan nito.
Personal na pinangunahan ni PCG Commandant, CG Admiral Artemio Abu ang pagsasagawa ng aerial surveillance sa Naujan, Oriental Mindoro umaga ng Biyernes.
Ito ay upang personal na makita ang lawak ng pinsala ng oil spill bunsod ng paglubog ng Mt. Princess Empress.
Ayon sa update mula sa Coast Guard Aviation Force (CGAF), nabawasan na ang lawak ng pinsala ng oil spill.
Sinabi ng PCG na nasa 2 to 3 kilometer long oil spillage na lamang ang kanilang na-monitor mula sa 6 na kilometrong lapad nito.
Sa panayam kay Rear Admiral Armand Balilo, patuloy ang kanilang pagbabantay sa lugar lalo ‘pahirapan sa ngayon ang paglalagay ng oil spill boom dahil sa masamang panahon.
Bagamat sinisikap naman aniya ng mga tauhan nito na rumesponde agad sakaling may muling pagtagas na mamataan sa lugar.
Sa ngayon aminado ang opisyal na hindi pa kaya ng kanilang mga tauhan lalo na sa kinakailangang kagamitan para marekober lalo na ang nasa 800, thousand na litro ng langis na lulan sa nasabing lumubog na barko.
Nagpapatuloy rin ang pagsasagawa ng shoreline assessment at shoreline clean-up ng PCG sa mga apektadong baybayin sa mga apektadong bayan sa Oriental Mindoro.
Ipinauubaya na lang muna ng PCG ang malalimang imbestigasyon na ginagawa ngayon ng DENR kaugnay sa halaga ng pinsala na idinulot lalo na sa mga apektado marine protected areas na malapit sa pinaglubugan ng nasabing barko.