NAGISA sa sarili nitong mantika ang lead convenor ng People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) matapos siyang mapaamin na may kinalaman nga si House Speaker Romualdez sa kontrobersiyal na People’s Initiative (PI).
Sa pagdinig sa Senado ngayong araw ng Martes na pinangunahan ni Sen. Imee Marcos, Chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, huli sa kaniyang salita si PIRMA Lead convenor Noel Oñate.
Base sa kuwento ni Onate, nakipagkita lang siya kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin, Jr. para talakayin ang PI noong nakaraang buwan pero itinanggi niyang nagkita sila ni Speaker Martin Romualdez.
Maging si Garbin ay itinanggi rin na nagkita sila ni Romualdez at ang kasalukuyang Ako Bicol Party-list at House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co para talakayin ang PI.
Pero sa larawan na may petsang Enero 8 at caption na “People’s Initiative for Charter Change” ay kitang-kita na magkakasama sina Onate, Romualdez, at Co. ayon kay Onate, siya ang nagpatawag ng meeting pero ginanap ito sa bahay ni Speaker Romualdez.
“It slipped my mind Madaam Senator” That was the time that I was asking him to help in our signature campaign,” ayon kay PIRMA Lead convenor Noel Oñate.
“So, it’s very clear that speaker Martin Romualdez is supporting your group po, that he is all out on the People’s Initiative, is that correct,” ani Sen. Imee Marcos.
“Yes. We coordinate with the speaker in getting the 3 percent of every congressional district. That’s correct Madame senator,” ayon kay Oñate.
Sa kampanya ng PIRMA na PI ay tinatanong nito kung pabor ba ang mga botante na amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng magkasamang pagboto ng Kamara at Senado.
Kontrobersiyal ang nasabing hakbang ng PIRMA matapos isiniwalat ng ilang mambabatas na binayaran, tinakot at pinangakuan ng ayuda ang ilan kapalit ng kanilang pagpirma sa PI.
Mariing tinututulan ng mga senador ang PI dahil matatanggalan sila ng kapangyarihan kapag nagtuluy-tuloy ito.
Naniniwala rin ang mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan na ang PI ay may kumpas ni Speaker Romualdez.
Ang susunod na pagdinig ng Senado kaugnay sa PI ay iinaasahan na gaganapin sa Davao City sa darating na araw ng Biyernes.